Tagalog News Release
SORSOGON PROVINCE (March 11) – Labis ang pagkatuwa at malaki ang pasasalamat ng mga taga-Sorsogon dahilan sa halos ay araw-araw na pag-uulan dito lalo na sa gabi sa gitna ng nararanasang epekto ng El Niño ngayon sa ibang panig ng lalawigan at maging sa buong bansa.
Naniniwala ang mga kinauukulan dito na ang mga pag-uulan ay dala ng cold front na nakakaapekto sa Luzon at Visayas.
Maaari din aniyang nakatulong ang ginagawang cloud seeding sa mga kalapit na lalawigan ng Sorsogon partikular sa Albay sa mga pag-uulan lalo na’t hanging amihan ang nararanasan sa lalawigan ngayon.
Matatandaang ilang mga magsasaka na rin ngayon dito sa Sorsogon ang nagrereklamo dahilan sa pagkakatuyo ng ilang mga pananim at pagkakabitak ng lupa sa kanilang sakahan.
Ayon kay Provincial Agriculturist David Gillego, ang nagaganap na tagtuyot sa ilang mga lugar dito ay sanhi na rin ng kakulangan ng mga water sources kung kayat malaking tulong sa mga natutuyong sakahan dito ang nagyayaring mga pag-uulan.
“Subalit kahit hindi pa man lubhang nakakaalarma ang nararanasang tagtuyot sa ilang mga lugar dito, agad na ring inaaksyunan ng mga kasapi ng Provincial Task Force on El Niño ang mga naiuulat na epekto at pagbabago partikular sa panig ng agrikultura,” ani Gillego.
Sa pahayag pa niya, mahigit anim na milyong piso din ang itinalagang badyet ng pamahalaang panlalawigan ng Sorsogon bilang pondo sa agrikultura sakaling maranasan na nga ang matinding epekto ng El Niño dito.
“Sa ngayon ay tinututukan namin ang bayan ng Pilar at Bulan kung saan siyam na mga Barangay sa Bulan ang isang buwan nang nakakaranas ng kawalan ng irigasyon at pagkakabitak-bitak ng lupa sa mahigit pitongdaang ektarya ng mga palayan,” ayon pa sa kanya.
“Habang sa bayan naman ng Pilar, mahigit pitongdaang ektaryang lupain din sa mga Barangay ng Pilar 2 ang apektado rin ng tagtuyot,” dagdag pa ni Gillego.
Maliban sa mga lugar na ito ay tinututukan din ni Gillego bilang Provincial Cluster Lead Designate for Agriculture ng Provincial Task Force on El Niño ang mga bayan ng Castilla at Donsol na lubhang may kakulangan din sa mapagkukunan ng suplay ng tubig sa kanilang lugar. (Bennie A. recebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment