Friday, June 25, 2010

KIDNEY DISEASE NANANATILING ISA SA PANGUNAHING SANHI NG KAMATAYAN SA SORSOGON

Tagalog News Release

SORSOGON PROVINCE (June 25) – Inihayag ni Provincial Health Officer Dr. Edgar Garcia na nananatiling isa sa sampung kadahilanan ng pagkakamatay sa Sorsogon mula taong 2004 hanggang 2009 ang sakit sa bato o kidney disease.

Aniya, maging sa buong rehiyon ng Bikol at sa buong bansa ay nananatiling pangunahing suliranin din sa pampublikong kalusugan ang sakit sa bato.

Kaugnay nito, patuloy ang kanilang kampanya katuwang ang Philippine Information Agency at iba pang mga ahensya ng pamahalaan ukol sa wastong pangangalaga ng kidney partikular ngayong Hunyo kung saan taunang ipinagdiriwang ang National Kidney Month sa bisa ng Presidential Proclamation 184.

"On-going din ang aming pagsasagawa urinalysis, blood glucose at total cholesterol testing at iba pang mga aktibidad na mahalaga upang mapukaw ang kamalayan ng publiko ukol sa pag-iwas sa pagkakaroon ng sakit sa bato," pahayag pa niya.

Kasama rin sa kanilang kampanya ang pagpapabot sa publiko ng mga mahahalagang impormasyon ukol sa hakbang sa paggamot sa mga may sakit sa bato at ng organ donation program sa ilalim ng REDCOP o Renal Disease Control Program ng Department of Health at National Kidney and Transplant Institute o NKTI.

Samantala, isang libreng dialysis machine mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang tinanggap ng Provincial Health Office nito lamang nakaraang linggo.

Ang dialysis machine ay handog ng PCSO mula sa presidential fund na naisakatuparan sa pagsisikap na rin ni Sorsogon Governor Sally A. Lee.

Ayon sa gobernador, bahagi ito ng limang milyong pisong halaga ng mga kagamitang kinabibilangan ng isang dialysis machine at anim na karagdagang mga ambulansya.

Dagdag din niya na sa pamamagitan nito ay maiibsan din ang bigat ng alalahanin ng mga pasyenteng dina-dialysis at kapamilya nito lalo pa’t malaki ang gastos na ginugugol ng mga sumasailalim sa dialysis. Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)

No comments: