Monday, June 28, 2010

MAHIGIT ANIM NA LIBONG ELEMENTARY PUPILS NABIYAYAAN NG EDC AT NGCP

Tagalog News Release

SORSOGON CITY (June 28) - Dala ang paniniwalang malaki ang papel ng edukasyon sa paghubog sa mga kabataan at pagsulong ng bansa, muling isinagawa ng Energy Development Corporation Bacon-Manito Geothermal Production Field ang kanilang taunang pamamahagi ng mga school supplies sa mga mag-aaral sa elementarya kabilang na ang mga day care at kindergarten pupils sa siyam na host barangays nito dito sa lungsod ng Sorsogon.

Limang libo’t anim na raan at siyam na mga mag-aaral ang nakatanggap ng kwaderno, sulatang papel, lapis, pangtasa, krayon, gunting, ruler, ballpen at iba pang mga school supplies noong nakaraang Huwebes at Byernes, June 24 at 25.

Ayon kay EDC Community Relations Officer Ed Jimenez, naging aktibong katuwang nila sa distribusyon ang mga kapitan ng siyam na barangay na kabilang sa kanilang host communities pati na rin ang mga school principals at guro ng mga elementary schools doon.

Sinabi ni Jimenez na maliban sa pamamahagi ng mga school supplies ay taunang aktibidad din nila ang pagsagot sa miscellaneous fees ng mga elementary schools ng kanilang host barangays na may layuning matulungan ang mga magulang sa gastusin sa kanilang mga pinaaaral na mga anak.

Samantala, tulad ng EDC-BGPF ay naghayag din ng pledge of support si National Grid Corporation of the Philippines Regional Corporate Communications Officer Nelson Bautista sa school principal ng Bibincahan Elementary School sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga school supplies sa mga mag-aaral dito.

Siyam na raan apatnapu’t limang mga mag-aaral naman mula kinder hanggang grade six ang nakatanggap ng assorted school supplies mula sa NGCP noon namang nakaraang Byernes, June 25.

Ayon kay Bautista, ang pamamahgi ng mga school supplies ay bahagi ng kanilang “Balik Eskwela Project 2010”.

Sinabi ng opisyal na ang Bibincahan Elmentary School ang napili nilang pamahaginan sapagkat nakalagay diumano sa malapit dito ang kanilang transmission towers.

Naroroon upang maghayag ng pasasalamat ang kinatawan ng City DepEd at ang mga opisyal ng paaralan.

Naging emosyonal naman ang mga magulang ng mga bata sa kabutihang-loob na natanggap ng mga mag-aaral. Malaking tulong diumano sa kanila ang mga kagamitang ipinamahagi upang higit na ganahan ang mga anak nila na mag-aral ng mabuti. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)

No comments: