Wednesday, September 29, 2010

COMELEC UMAPELA SA MGA PULITIKO NA HUWAG MAKISAWSAW SA BRGY AT SK ELECTION

Tagalog News Release

SORSOGON PROVINCE – Mahigpit ang panawagan ni Provincial Election Supervisor Atty. Calixto Aquino ng Comelec Sorsogon sa mga pulitiko na huwag dudungisan ng anumang karahasan at pamumulitika ang gagawing halalan sa Barangay at Sangguniang Kabataan sa darating na Oktubre beynte-singko.

Ayon kay Aquino, non-partisan ang Barangay at SK elections kung kayat hindi ito dapat na pinakikialaman ng mga pulitiko lalo na yaong gumagamit ng pera at maruruming mga taktika.

Aminado ang opisyal na may mga nakararating na balita sa kanilang tanggapan ukol sa ilang mga pulitiko na sumasagot sa mga gastos ng mga kandidatong tumatakbo sa halalan sa barangay, subalit wala naman diumanong pormal na reklamong inihahain sa kanilang opisina kung kaya’t hindi rin sila makagawa ng kaukulang aksyon ukol sa ganitong sistema.

Kaugnay nito, umapela si Aquino sa mga residente sa barangay na pakinggan ang kanilang konsensya sa pagboto, makailang ulit na pag-isipan ang kandidatong paglalaanan nila ng sagrado nilang boto at huwag padadala sa sulsol ng mga pulitiko.

Ipinaliwanag ni Aquino na kahit pa nga kunsideradong pinakamaliit na political unit ang barangay, ito pa rin diumano ang pinakamahalagang teritoryong pulitikal sapagkat dito magsisimula ang ikasusulong o ikasisira ng komunidad.

Hiningi din niya ang kooperasyon ng bawat isa na sumunod sa ipinatutupad na gun ban upang maiwasan ang anumang karahasan at suliraning maaaring idulot ng paglabag dito.

Samantala, matapos na tuluyan nang ipatupad ang election ban noong nakaraang Sabado, malaki ang kumpyansa ni Aquino na wala nang urungan pa ang election sa Oct. 25 ayon na rin sa nakasaad sa Republic Act 9430 kung kaya’t puspusan na rin ang ginagawa nilang paghahanda upang matiyak na magiging mapayapa at matagumpay ito lalo pa’t nakatakda na ring simulan bukas ang filing of certificate of candidacy para sa mga tatakbong kandidato sa barangay at SK election. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)

No comments: