Thursday, September 23, 2010

KINATATAKUTANG BAHA, MAKAKATULONG SA PANANIM NA PALAY

Tagalog News Release

SORSOGON PROVINCE – Ang kinatatakutang pag-uulan at pagbaha ay maaari din palang gamitin bilang teknolohiya sa taniman ng palay kung saan nakapagpapaganda ito ng ani at kayang kontrolin ang pagdami at pagsibol ng mga pesteng damo na kadalasang sakit ng ulo ng mga magsasaka.

Ito ang pinatunayan sa ginawang pananaliksik ng University of the Philippines Los Banos – International Rice Research Institute sa pangunguna nina Lucy Estioko, guro sa Bicol University; Aurora Baltazar, Florinia Merca, Abdelbagi Ismail at ni David Johnson, na sila ring may-akda ng “Submergence during germination and early growth, differentially affects growth and carbohydrate metabolism in barnyard grass and contrasting rice genotypes”.

Ang pag-aaral na ito ay nanalo bilang Best Paper na pinarangalan ng Weed Science Society of the Philippines ng Pest Management Council of the Philippines.

Ayon sa mga may-akda, sa prosesong ito, ang pagpapabaha o flooding ay ginagawa na bahagyang atrasado upang mahintay sumibol ang mga palay upang maging epektibong pangkontrol sa damo.

Tinukoy din nila ang angkop na panahon sa pagsasailalim sa flooding ng mga direct-seeded rice nang sa gayon ang kumpetisyon ay papabor sa binhi ng palay kaysa sa damo.

Ang pag-aaral na ito ay nasubok na nila sa dalawang uri ng palay – ang IR42 at ang Khao Hlan On (KHO) kasabay ng pagpapatubo ng damo. Habang nakababad, ang dalawang uri ng palay ay bahagyang nababawasan ng mga ugat at umusbong ang talbos kaysa sa damo. Ang dalawang araw matapos ang pagtatanim ang pinaka-epektibong panahon upang isailalim sa flooding kung saan dito sumibol ang binhi ng palay gayundin ay epektibong panahon upang mapigilan ang pagtaas ng mga damo.

Ito ang nagsilbing daan upang mapatunayan nilang may kakayanan din palang mabuhay ng palay kahit sa baha.

Samantala, kinatigan naman ito ng Provincial Agriculture Office dito sa Sorsogon kung saan ayon kay Acting Provincial Seed Coordinator Angel Tadle, Jr., totoong kaya pa ring tumubo at makakuha ng magandang ani ng palay sa kabila ng pagbaha.

Sa katunayan, ilang mga magsasaka na rin ang nakapagpatunay dito gamit ang NSIC-RC 194 submerge rice variety subalit nananatiling nasa trial stage pa rin ito at patuloy pang inaalam ang iba pang mga katangiang higit pang makapagpapalago ng ani ng mga magsasaka. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)

No comments: