Tuesday, October 12, 2010

ORDINANSANG MAGBABAWAL SA PAGGAMIT NG MGA PLASTIC BAG ISINUSULONG

Tagalog News

SORSOGON PROVINCE (Oct. 12) – Isinusulong ngayon ni 2nd district provincial board member Vladimir Ramon Frivaldo ang isang resolusyon na magbabawal sa mga tindahan sa buong lalawigan ng Sorsogon sa paggamit ng mga plastic bag bilang suporta na rin sa RA 9003 o ang Philippine Ecological Solid Waste Management Act of 2000.

Ayon kay Frivaldo, dapat lamang na pagtuunan ng masusing pansin ang patuloy na pagkakasira ng kalikasan ngayon at ang patuloy na paglobo ng bilang ng mga basurang nagdadala ng masamang epekto sa kapaligiran.

Sa resolusyong isinusulong ng bokal, ipagbabawal na ang paggamit ng mga plastic bag sa mga public at supermarket, convenient, sari-sari at department stores, talipapa, mga fast food chains at iba pang mga establisimyento sa Sorsogon dahilan sa mga panganib na maaaring dalhin nito lalo na’t hindi pa rin talagang natututunan ng publiko ang tamang pamamahala sa basura.

Sa halip na mga plastic bag na aniya’y nagdadala ng peligro sa kalikasan at nagdudulot ng pagkakabara ng mga kanal at estero ay iminumungkahi ni Frivaldo ang paggamit ng bayong at mga paper bags dahilan sa mas madali itong natutunaw kapag itinapon.

Nakapaloob din sa kanyang resolusyon na papatawan ng penalidad at kaukulang parusa ang sinumang lalabag dito sakaling tuluyan itong maipasa at ganap nan maging ordinansa.

Matatandaang sa kamaynilaan, bago natapos ang nakaraang buwan ay sinimulan nang ipatupad ang paggamit ng mga reusable bags at hindi na paggamit ng mga plastic bags sa mga mall at supermarket tuwing Miyerkules sa ilalim ng isang memorandum of understanding sa pagitan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at mga pangunahing shopping malls sa Maynila.

Pinuri naman sa ilang mga Sorsoganon ang hakbang na ito ni Frivaldo lalo pa’t sa tala ng DENR nasa 756,986 kilograms ng mga basura ang nakolekta nila mula sa mga dalampasigan at mga estero sa isinagawa nilang cleanup drive noong nakaraang taon.

Tiwala naman si Frivaldo na sa pamamagitan nito ay mas mapapangalagaan ang kalikasan at mapapababa ang epektong dala ng climate change at higit sa lahat, ay mas mapupukaw ngayon ang pagiging responsible ng mga mamamayan. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)

No comments: