Thursday, November 18, 2010

PREPAREDNESS DRILL KAUGNAY NG AKTIBIDAD NG MT. BULUSAN ISINASAGAWA

(Photo by: Glena Lopez, PPDO)
(Tagalog News)

SORSOGON PROVINCE – Isang preparedness drill ang sinimulang gawin kanina bandang alas-nueve ng umaga at nagpapatuloy pa hanggang sa kasalukuyan sa Capitol Ground dito sa lungsod ng Sorsogon, upang ipakita ang kahandaan ng mga ahensyang kasapi ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council kaugnay ng patuloy na aktibidad ng Mt. Bulusan.

(Photo by: Glena Lopez, PPDO)
Ang aktibidad na tinaguriang “A Show of Assets of the Different Lead Agencies in Monitoring the Mt. Bulusan Activities” ay dinaluhan nina Maj. Gen. Ruperto Pabustan, Commander ng 9th Infantry Division, Phil. Army, Director Bernardo Alejandro IV ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council at iba pang mga organisasyon sa hanay ng LGU, NGO at tri-media.

Ayon kay Jose Lopez, PDRRMO OIC head, mahalagang malaman ng lahat sa mga ganitong sitwasyon na handa sa anumang oras ang mga lokal na opisyal para sa kaligtasan ng mga mamamayan. Sa paraang ito diumano ay madarama ng mga Sorsoganon ang pagpapahalaga sa kanila ng ating pamahalaan. Bukod pa rito, ay ang pagpapatunay ng pagkakaisa ng mga sangkot na ahensya sa pagtugon sa mga sitwasyong dala ng pag-aalburuto ng Mt. Bulusan.

Samantala, kahapon ay nagsagawa naman ng Information Education Campaign (IEC) ang mga tauhan ng Naval Forces for Southern Luzon (NAVFORSOL) at Office of Civil Defense Region V sa tatlong mga apektadong bayan ng Mt. Bulusan explosion.

Maliban sa mga bayan ng Irosin, Casiguran at Juban ay isinaman na rin nila sa kaniang IEC ang mga kalapit pang bayan sa palibot ng bulkan tulad ng Barcelona at Bulusan.

Namahagi din ang mga ito ng limang-libong dust masks sa pakikipag-ugnayan na rin sa Department of Health at Provincial Health Office ng Sorsogon.

Sa ating update naman ng mga evacuees, Sinabi ni Casiguran Information Officer Salvador Jao na kung hindi na diumano magkakaroon ng panibagong aktibidad ang bulkang Bulusan, magtatagal na lamang hanggang bukas ang mga evacuees sa Barangay Health Center ng Brgy. Escuala.

Sa pinakahuli nilang tala, mayroon na lamang silang evacuees na dalawampu’t-dalawang pamilya na binubuo ng limampu’t-limang katao. Sustentado pa rin ng Casiguran-LGU ang mga pagkain at iba pang pangangailangan sa evacuation center.

Sa bayan naman ng Juban, sinabi ni Juban Social Welfare Officer Lispeth Nicolas na hanggang kahapon ay mayroon pa silang anim na pamilyang evacuees sa evacuation center sa Brgy. Puting Sapa at siyam na pamilya sa Brgy. Añog kung saan maari na rin itong pauwiin sakaling tuluyan nang manahimik ang Mt. Bulusan.

Habang sa bayan naman ng Irosin ay wala nang naitalang evacuees sa kanilang mga evacuation sites.

Sa ngayon ay nananatiling tahimik ang bulkang Bulusan at nasa alert level 1 pa rin ang status nito. Magkaganun man, ay patuloy pa rin ang abiso ng Phivolcs sa publiko na mag-ingat at maging alerto sa lahat ng oras.

Nananatili ding alerto ang Department of Public Works and Highway, Provincial at mga Municipal Engineering Offices ng mga apektadong bayan sakaling magkaroon ng mga tuluy-tuloy na pag-uulan at pagragasa ng lahar.

Sa tala ng Phivolcs, umaabot na sa 372,000 cubic meter ang ash deposit na maaaring rumagasa sakaling magkaroon ng malalakas at walang tigil na ulan. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)

No comments: