Friday, December 3, 2010

CODE OF ETHICS ORDINANCE PARA SA MGA PUV DRIVERS NG SORSOGON CITY, APRUBADO NA


Tagalog News

SORSOGON CITY – Positibo si City Councilor Victorino Daria III na di maglalaon ay maipapasa din sa Sangguniang Panlunsod ng Sorsogon ang Code of Ethics Ordinance na isinusulong niya para sa mga tricycle drivers na nag-ooperate sa kabisera ng syudad ng Sorsogon.

Ayon kay Daria, layunin ng nasabing Code of Ethics Ordinance na mabigyang kaalaman, matuto,madisiplina ang mga namamasadang drayber at maging presentable at magalang ang mga ito sa pagtrato ng mga pasahero ng sagayon ay maitaas  ang antas ng impresyon sa transportasyon ng mga bisitang napupunta sa Sorsogon City.

Matatandaang maraming reklamo na rin ang naipaabot sa tanggapan ni Daria ukol sa pagiging bastos at walang modo ng ilan sa mga drayber dito maliban pa sa ilang mga drayber na sobrang maningil, patuloy na paninigarilyo sa behikulo kahit bawal na ito, pagiging madungis at pamimili ng mga pasahero.

Kaugnay nito, isang Code of Ethics and Values Formation Seminar ang nakatakdang ganapin sa Disyembre 4-5, 2010 sa Provincial Gymnasium ng Sorsogon.

Habang ang 2nd phase naman ay gagawin sa Disyembre 18, 2010 sa magkaparehong lugar. Pangungunahan ang seminar ng mga kinatawan ng Bureau of Fire protection, provincial Disaster Risk Reduction and management Office at Philippine red Cross.

Maliban sa code of conduct ay nakatakda ring bigyan ng kaukulang impormasyon ang mga tsuper ukol sa tamang pagbibigay ng mga pangunang lunas sakaling may mga pasaherong nakakaranas ng discomfort o di kaya’y nagkakaroon ng mga aksidente sa daan. (Jun Tumalad, PIA Sorsogon)

No comments: