Monday, December 13, 2010

PHIVOLCS PINAG-IINGAT PA RIN ANG MGA RESIDENTE SA PANGANIB DALA NG MGA PAG-UULAN

Tagalog News

SORSOGON PROVINCE (Dec 13) – Sa kabila ng pananahimik ng Bulkang Bulusan dalawang lingo na ngayon, patuloy pa ring pinag-iingat ng Phivolcs ang mga residente malapit sa bulkan dahilan sa malimit na pag-uulan ngayon.

Ayon kay Bicol Phivolcs Director Ed Laguerta, nasa 466,000 cubic meters ang abo na nakadeposito sa may Southwest quadrant ng Mt. Bulusan na maaaring makaapekto sa mga bayan ng Juban at Irosin kung saan dadaloy ito sa mga gully papuntang Brgy. Mapaso, Mombon, Cogon at Rangas sa irosin at Brgy. Puting-Sapa sa Juban.

Ipinaliwanang ni Laguerta na ang matagal na pag-uulan ay magdadala ng panganib lalong-lalo na kung ito ay “initiated”, ibig sabihin ay kung magkakaroon ng bagyo at malalakas na ulan at hangin na tutulak sa mga volcanic debris tulad ng lahar, bato, at maging ang mga kahoy na nakaimbak sa gilid at palibot ng bulkan.

Binigyang-diin din niya na maaaring magkaroon ng “high-concentrated flow” na ang ibig sabihin ay 40 to 60% ng lahar ay dadaloy sa mga river channels. Aniya sa kasalukuyan, ang lahar flow ay low-concentrated o malabnaw na abo lamang ang dumadaloy sa mga river channels.

Muling ipinaalala ni Laguerta na nananatili sa alert level 1 ang Mt.  Bulusan at bawal pa ring pumasok sa 4-km permanent danger zone.

Dapat din niyang maging alerto at palagiang nakamonitor ang mga kinauukulan kung mayroong mga impending weather disturbances o sama ng panahon. (Irma Guhit, PIA Sorsogon)

No comments: