Sorsogon City, (PIA) – Sa pag-upo sa pwesto ni City Police Chief Arturo P. Brual, Jr. bilang hepe ng Sorsogon City Police ay higit pang pinalakas ang police visibility at pinaigting ang pagbibigay kaalaman sa pagsasarekord o ang tinatawag na on time incident recording ng mga detalyeng police blotters sa mga presinto.
Ito ay bunsod na rin ng lumalalang sitwasyon ng mga nakawan at iba pang mga kriminalidad sa lungsod.
Hiniling din ng opisyal kay Mayor Leovic Dioneda ang karagdagang kagamitan tulad ng VHF radio equipment na magagamit nila sa kanilang mga operasyonlalo na sa pagpapabilis ng pagresponde sa tuwing may kriminalidad.
Nanawagan din si Brual sa publiko na huwag paglaruan ang PNP hotlines. Ito ay matapos na makapagtala ang PNP ng ilang mga prank calls at text messages na kapag naberipika na nila ay pawang walang katotohanan pala.
Mapanganib din aniya ang mga set-up calls o text para sa kaligtasan ng buhay ng kanyang mga tauhan kung kaya’t umapela ito sa publiko na iwasan ang ganitong mga gawain.
Ayon pa kay Brual, nagbigay na rin sila ng kaukulang training at seminars para sa mga barangay tanod ukol sa tamang pagpoposas at teknik sa pakikipag-usap sa panahong may aarestuhin sa kanilang barangay. Layunin nitong masanay ang mga tanod at magsilbing katuwang ng mga awtoridad sa pagpapatupad ng kaayusan sa mga barangay.
Kasama din sa training ang pagbabantay kapag may homeowners meeting, subalit nilinaw nilang may limitasyon pa rin ang saklaw na kapangyarihan ng mga tanod kumpara sa mga totoong pulis.
Samantala, ang Sorsogon City ay mayroong apat na Cpac o Community Police Assistance Center na maaring dulugan ng mga complainants. Mayroon na ring inilagay ang PNP na pink room para sa mga babaeng complainant upang hindi sila maasiwa sakaling nagbibigay ng mga testimonyang sensitibo sa women’s desk assistance officer. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment