Tuesday, February 22, 2011

Tagalog News Release


Mt. Bulusan muling nanahimik matapos magbuga ng abo kahapon
By: Bennie A. Recebido
       
Photo: Jose Aldrin Recebido, BFP Irosin
Sorsogon City, (PIA) – Matapos ang naitalang huling pagbuga ng Mt. Bulusan kahapon bandang alas nueve dose ng umaga, maaliwalas na ngayon ang kapaligiran sa palibot ng bulkan at sa tingin ay mukhang tahimik na ito. Wala na ring bumabagsak na mga abo, ngunit may mga bakas pa rin nitong makikita sa gilid ng kalsada, mga puno at bubong ng bahay. SUbalit patuloy din ang ginagawang tulong-tulong na mga paglilinis.

Sa tala ng Phivolcs, nagkaroon ng labing-anim na mga volcanic quakes sa palibot ng Mt. Bulusan sa nakalipas na dalawampu’t-apat na oras.

Classes were promptly suspended due to thick ashfall.
Balik sa normal na rin ang klase ngayong araw sa lahat ng mga sinuspindeng paaralan sa Bulan, Irosin at Juban. Subalit nangangamba pa rin ang mga magulang kung kaya’t may ilan pang nag-aalangan kung papapasukin o hindi ang kanilang mga anak hanggat hindi pa tuluyang normal ang kondisyon ng bulkan. Ayon naman sa DepEd, sa ganitong sitwasyon, binibigyan nila ng kapangyarihan ang mga magulang na magdesisyon kung ano ang makakabuti sa kanilang mga anak.

Sa naging pahayag ni Provincial Disaster Risk Reduction Management Council Action Officer Manro Jayco, sinabi nitong labimpitong mga barangay sa Irosin at dalawa sa Juban ang naapektuhan ng abo habang sa ulat na ipinadala naman sa PIA ni Bulan Administrator Luis De Castro, 85% ng kanilang area of responsibility ang apektado ng ash falls, subalit wala naman aniya silang naitalang evacuees. Hindi naman naapektuhan ang mga bayan ng Bulusan, Magallanes, Gubat at Barcelona.

Early b-fast at the evac site. (JAR, BFP Irosin)
Sa pinakahuling tala naman ng Irosin Municipal Social Welfare and Development Office, kaninang alas sais ng umaga, nasa 117 families na may 436 katao mula na lang sa Brgy. Cogon ang nasa Gallanosa High School pa rin hanggang sa ngayon.

Photo: JARecebido, BFP Irosin
Nasa white code alert pa rin ang Irosin District Hospital lalo’t anim na mga pasyente dahil sa respiratory problem ang inireklamo. Ang isa dito ay pinauwi na habang ang lima ay under observation pa rin.

Naglagay na rin ng mga warning signs ang DPWH sa kahabaan ng Maharlika Highway sa Irosin upang mabigyan ng kaukulang babala ang mga motorista sa panahong nagkakaroon ng kalamidad na tulad nito.

Ayon naman kay Amy Deniega ng Sorsogon Provincial Management Office (SPMO) namahagi na rin ng face masks, nebulizer, cough syrup at vitamins sa mga apektadong lugar ang ni Sorsogon Gov. Raul Lee.

Kahapon ay bumisita na rin dito ang mga tauhan ng Office of the Civil Defense (OCD) Bicol upang magsagawa ng pagtatasa sa naging pinsala ng huling pagbuga ng bulkang Bulusan.

Sa ngayon ay nananatili pa rin ang alert level 1 at pagbabawal na pagpasok sa 4-km Permanent Danger Zone (PDZ) sa paligid ng Bulkang Bulusan. (PIA Sorsogon)

No comments: