Thursday, March 10, 2011

Simpleng Graduation Ceremony, ipinaalala ng Deped Sorsogon


Tagalog News Release

Sorsogon City, March 9, (PIA) – Muling pinaalalahanan ng DepEd Sorsogon ang lahat ng pamunuan ng mga paaralan sa buong lalawigan kaugnay ng mga graduation exercises na gagawin ngayong taon.

Ayon kay Assistant Schools Division Superintendent Danilo E. Despi, hindi kailangang gawing magarbo ang graduation ceremonies ng mga estudyante sa elementarya at sekondarya, sa halip ay gawin itong isang hindi makakalimutang okasyon para hindi naman maging pabigat pa sa bulsa ng mga magulang ang pagtatapos ng kanilang mga anak.

Ito ay bilang tugon na rin sa ipinalabas na kautusan ni Secretary Armin A. Luistro, ang DepED Order No. 4 Series of 2011.

Maaalala ding nakasaad naman sa DepED Order No. 8 Series of 2005 na bawal mangolekta ng graduation fees o anumang klaseng kontribusyon ang kahit na sinong kawani ng DepED, guro o public school head, at tanging miyembro o opisyal lamang ng Parents and Teachers Council Association o PTCA ang maaaring humawak ng pondo o kontribusyon depende sa napagkasunduan ng bawat partido.

Nakasaad din sa nabanggit na memorandum na simple lang ang dapat na isusuot ng mga magsisipagtapos at dedepende pa rin ito sa kagustuhan ng mga kasapi ng PTCA.

Nakasaad pa sa memorandum na ang kontribusyon para sa yearbook ay hindi rin sapilitan.

Tampok na tema ng pagtatapos ngayong taon ang “Ang magsisipagtapos: kaagapay tungo sa pagbabagong anyo ng lipunan; tugon sa hamon ng sambayanan.”

Itinakda ang mga graduation exercises para sa School Year 2010-2011 anumang araw sa pagitan ng Abril 1 at 7, 2011. (BARecebido/VLbalan,  PIA Sorsogon)

No comments: