Tuesday, May 3, 2011

Topnotcher sa Electrical Engineering Exam 2011 isang Sorsoganon

Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, May 3 (PIA) – Pinatunayan ng Sorsogon State College na kayang bumuo ng mga matitibay na enhinyero sa bansa. Ito ay matapos na maging topnotcher sa ginawang 2011 Electrical Engineering Board Examination si Engr. Jhonrey Layosa Aguirrre mula sa isang mahirap na pamilya sa Brgy. Talisay, Sorsogon City.

Sa ulat na nakarating sa PIA Sorsogon, sa isanglibo’t pitong-daang kumuha ng eksaminasyon noong April 17-18, ngayong taon, apatnapung bahagdan lamang ang pumasa dito kabilang na ang pitong iba pang mga board examinees mula sa Sorsogon State College.

Maliban kay Aguirre na inuulan na ngayon ng mga tawag at pinasusumite na ng resume ng iba’t-ibang mga kompanya, nakabilang din sa top ten si Engr. Leandro Endaya Salamatin ng Casiguran, Sorsogon na nakuha ang top 10th place.

Ilan pa sa mga taga-SSC na pumasa pa sa electrical engineering exam ay sina Engr. Michael Angelo Abalos ng Bacon District, Engr. Nestor Furio ng Brgy. Abuyog, Engr. Mark Alvin Jebulan ng Brgy. Guinlajon, Engr. Argie Baniel ng Brgy. Tugos, pawang mula sa lungsod ng Sorsogon, Engr. John Paul Maravilla ng Gubat, Sorsogon, si Engr. Vernon G. Nunez ng Casiguran, Sorsogon at Engr. Jessie Tatel. Karamihan diumano sa mga ito ay pawang nag-self review lamang sa SSC hostel habang isa lamang sa mga ito ang pumasok sa review center.

Maliban sa mga ito ay walong mag-aaral pa sa SSC ang pumasa din bilang Registered Master Electrician sa ginawang eksaminasyon din ngayong 2011.

Naghayag naman ng pagmamalaki at pagkatuwa si SSC president Dr. Antonio Fuentes at nakatakda ring magsagawa ng motorcade ang SSC upang bigyang pagkilala at parangal ang ang mga mag-aaral na nagbigay sa kanila ng malaking karangalang ito.

Magbibigay din diumano ng P20,000.00 ang Sorsogon State College bilang insentibo sa mga napabilang sa top 1st to 10th place ng electrical engineering board exam. (PIA Sorsogon)




No comments: