Tuesday, August 9, 2011

PVO muling nagpaalalang pabakunahan ang mga alagang aso


PVO muling nagpaalalang pabakunahan ang mga alagang aso
Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, August 8 (PIA) – Muling nagpaalala sa publiko ang Provincial Veterinary Office sa pamumuno ni Provincial Veterinarian Dr. Enrique Espiritu na patuloy na mag-ingat sa rabis sanhi ng kagat ng aso.

Ayon kay Espiritu, lubhang mapanganib para sa isang indibidwal ang makagat ng asong may rabis kung kaya’t muli nitong ipinanawagan sa mga may alagang aso na pabakunahan ang mga alaga nila.

Matatandaang kamakailan lamang ay apat na mga bata at isang motoristang nakagat ng aso sa bayan ng Prieto Diaz, Sorsogon kung saan matapos dalhin ang aso sa Regional Animal Disease Diagnostic Laboratory (RADDL) upang isailalim sa pagsusuri ay nagpositibo ito sa rabis. Mapalad namang naagapan at napaineksyunan ang mga nabiktima ng kagat ng aso bago pa umepekto ang rabis sa kanila.

Kaugnay nito, sinabi ni Espiritu na nakatakda silang magsagawa ng ring vaccination sa Prieto Diaz, ngunit kailangan din diumanong magsumite ng hiling o request ang local government unit (LGU) sa kanila.

Ayon kay Espiritu, naghayag na rin ng pagnanais si Prieto Diaz Municipal Mayor Jocelyn Lelis na mapabakunahan ang lahat ng mga aso sa lugar, kung kaya’t sa ngayon ay hinihintay na lamang sa tanggapan ng provincial veterinary ang opisyal na kahilingan ng Prieto Diaz-LGU upang agaran nang masimulan ang pagbabakuna sa mga aso.

Muli ding ipinaliwanag ni Espiritu na sakaling makagat ng aso ang sinuman lalo ang mga bata ay agad itong komunsulta sa doktor o sa kanilang mga rural health unit (RHU) upang agarang maagapan ang posibilidad ng pagkalat ng rabis sa katawan ng mga ito. Obserbahan din diumano ang mga pagbabagong maaaring maganap sa aso. Mamatay man o hindi ang aso ay dapat pa rin diumanong komunsulta at magpaineksyon ang mga nabibiktima. (PIA Sorsogon)


No comments: