Wednesday, December 14, 2011

DRRM plan kaugnay ng aktibidad ng Mt. Bulusan tatasain sa Year-End PDRRMC workshop


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Disyembre 14 (PIA) – Isang planning-workshop na tinaguriang Joint Regional/Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (R/PDRRMC) Year-End DRRM Assessment/Workshop on Mt. Bulusan ang nakatakdang gawin bukas, Disyembre 15.

Ayon kay Sorsogon Provincial Disaster Risk Management Office Information Officer Von Labalan, pangungunahan ng Provincial DRRMC sa tulong ng Office of the Civil Defense Bicol, ang aktibidad ay naglalayong masuring muli ang mga hakbang na nagawa ng anim na mga munisipalidad malapit sa Bulusan Volcano at mailatag ang kani-kanilang mga Disaster Risk Reduction Management plan kaugnay ng mga naging pag-alburuto ng bulkan.

Matatandaang sa loob ng labing-isang taon pananahimik ng Bulkang Bulusan mula noong 1995 ay muli itong nagsimulang bumuga ng abo noong 2006. Ipinagpapasalamat na lamang ng mga residente dito na walang naitalang mga malalaking pagsabog hanggang sa kasalukuyan. Subalit nananatili pa ring nasa alert level 1 ang estado nito dahilan sa mga panaka-nakang mahihinang aktibidad nito.

Kaugnay ng mga pag-aalburutong ito, gumawa ang lokal na pamahalaan ng Sorsogon sa tulong ng mga pangunang ahensya ng action plan noong 2006 na poprotekta sa buhay at ari-arian ng mga nasa apektadong lugar tulad ng Irosin, Juban, Casiguran, Bulusan, Gubat at Barcelona. Ito na rin ang naging basehan sa ginawang 2010 Bulusan Volcano Action Plan.

Pinatatag din ang kapasidad sa Disaster Risk Reduction Management ng anim na lokal na pamahalaang ito na lantad sa panganib dala ng aktibidad ng Mt. Bulusan sa pamamagitan ng isinagawang Bulusan Summit noong Marso 2011 at ng Local Government Unit (LGU) Coaching Session para sa pagtatayo ng Local Disaster Risk Reduction Management Office noong Agosto 2011 sa pangunguna ng OCD at ng RDRRMC.

Sinabi ni Labalan na ang gagawing Year-End DRRM Assessment/Workshop on Mt. Bulusan bukas ang siyang magiging annual operation plan ng Bulusan Volcano para sa taong 2012. (PIA Sorsogon)

No comments: