Tuesday, January 17, 2012

Sedula, isa sa dokumentong pagkakakilanlan ng residente sa pamayanan


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, January 17 (PIA) –  Nanawagan sa mga residenteng nasa tamang edad, empleyado man o hindi, ang ilang mga kapitan sa barangay dito sa lungsod,  na kumuha ng community tax certificate o sertipikong buwis ng pamayanan o mas kilala sa tawag na sedula sa pagpasok pa lamang ng panibagong taon. Ito ay upang maiwasan umano ang pagkakaroon ng mga penalidad sa pagkuha ng sedula.

Ang sedula na tinatawag ding residence certificate ay isang legal na dokumentong pagkakakilanlan sa Pilipinas. Ito ay iniisyu ng mga lungsod o bayan sa lahat ng mga taong nakaabot na sa tinatawag na ‘age of majority’ o tamang edad.

Maliban sa mga designadong tanggapan ng pamahalaang panlungsod o bayan ay maaari din itong kunin sa mga barangay.

Sa pagkuha ng sedula, nabibigyan sila ng pangunahing uri ng aydentipikasyon ng nag-iisang dokumento sa bansa na pinakamalapit sa National ID System.

Makikita sa sedula ang mga sumusunod na impormaston tulad ng: buong pangalan, taas, timbang, Tax Identification Number (TIN), lugar at araw ng kapanganakan, nationality, civil status, pinagkakakitaan, marka ng hinlalaki ng kanang kamay at pirma ng kumuha ng sedula at ng opisyal na nagbigay nito.

Bilang pangunahing pagkakakilanlan o ‘primary form of identification’, ginagamit ang sedula kung magpapanotaryo, kung manunumpa bilang opisyal ng pamahalaan, kung nakatatanggap ng lisensya o permit mula sa opisyal ng pamahalaan, kung magbabayad ng buwis at iba pang mga bayarin sa pamahalaan, kung tatanggap ng pera mula sa pampublikong pondo, sa mga transaksyon sa negosyo, at iba pa.

Sa ilang mga pagkakataon, ginagamit din ang sedula bilang pangalawang pagkakakilanlan o ‘secondary form of identification’ tulad halimbawa sa pag-aplay ng pasaporte.

Sa kasalukuyan, sa ilalim ng Local Government Code of the Philippines, lahat ng mga buwis na nakukuha mula sa pagbabayad ng sedula ay pinaghahatian ng pamahalaang lungsod o munisipalidad at pamahalaang barangay, at may maliit ding bahagi na ibinibigay sa pamahalaang nasyunal bilang bayad sa halaga ng pag-imprenta ng mga sedula.

Ayon sa mga kapitan, sa pamamagitan ng pagbabayad ng sedula natutulungan nito ang mga lokal na pamahalaan sa kanilang ekonomiya dahilan sa nakadadagdag ito sa kaban ng barangay o ng lokal na pamahalaan. (PIA Sorsogon)

No comments: