Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, January 26 (PIA) – Isa ang tuberculosis (TB) sa mga sakit na hanggang sa ngayon ay pangunahin pa ring sanhi ng kamatayan hindi lamang sa Sorsogon kundi maging sa bansa.
Ayon sa Sorsogon Provincial Health Office (PHO), kung hindi maaagapan ay patuloy na makakasama sa listahan ng mga nakamamatay na sakit ng mga Sorsoganon ang TB kung kaya’t mahigpit ang panawagan ng PHO na magtulungan ang bawat isa nang sa gayon ay mapigilan kung di man tuluyan nang masugpo ang pagkalat ng sakit na ito.
Sa datos na ipinalabas ng PHO mula noong 2006 hanggang 2010, lumalabas na patuloy na tumataas ang Case Detection Rate(CDR) sa buong lalawigan ng Sorsogon kung saan noong 2006 ay 17 lang ang natukoy, 98 noong 2007, 96 noong 2008, 101 noong 2009 at 104 noong 2010.
Ang nasabing datos ay lagpas pa rin sa 75 porsyentong target na CDR ng PHO. Ang mataas na bilang ng mga kasong natutukoy ay isa umanong magandang indikasyon sapagkat dahil dito, malaki ang posibilidad na masugpo ang patuloy pa na pagkalat ng nakahahawang sakit na ito sapagkat tukoy na kung sino ang mga dapat na gamutin.
Samantala, sa lungsod ng Sorsogon, sa unang semestre pa lamang ng 2011 ay nakapagtukoy na ang TB Task Force ng 57 na kaso o katumbas ng 111.77% kumpara sa target nilang 51 kataong may sakit na TB para sa buong taon.
Tinukoy ang mga lugar ng Sampaloc, Balogo, Gatbo, Bulabog, Macabog at Sirangan bilang mga consistent barangay na may mga pasyente ng TB. Kadalasan umanong ang mga natatamaan nito ay yaong mga nasa productive age o may edad mula 24 hanggang 50 taon, babae man o lalaki.
Sa bahagi naman ng mga nagamot na (cure rate) mula noong 2006 hanggang 2010, lumalabas na naabot ng mga awtoridad ang 85 porsyentong target nila kung saan 88 kaso ng TB ang nagamot noong 2006, 84 noong 2007 at 85 na kaso ng TB ang mga nagamot naman taon-taon mula 2008 hanggang 2010.
Sa cure rate, mahirap umanong maabot ang 100% sapagkat may mga iba pa ring ayaw magpagamot at namatay na lamang, habang ang iba ay nasa proseso pa rin ng gamutan at hindi maglalaon ay tuluyan na itong makakawala sa sakit na TB.
Sa kasalukuyan, halos ay 77 porsyento na ng mga Barangay Health Worker (BHW) sa lungsod ang naisailalim na sa mga kaukulang pagsasanay sa paghawak sa mga kaso ng TB sa kani-kanilang mga nasasakupang barangay.
Ayon naman kay kalihim ng Sorsogon City TB Task Force, Azulina Marbella sa isinagawang pagpupulong kamakailan dito, mababa ang bilang ng mga TB Classes at House to House TB Awareness kung kaya’t dapat na mapalakas pa ito.
Aniya, sa 90,000 na populasyon ng Sorsogon City, 1,505 na mga indibidwal pa lamang na TB classes ang nailahok sa mga TB classes ng TB Task Force.
Dapat din umanong mapaigting pa ang House to House TB Awareness o ‘Dalaw Aral sa TB’ lalo na’t lumalabas sa kanilang tala na sa 11,250 na mga kabahayan sa lungsod na may tinatayang walong kasapi ng pamilya ay nasa 2,108 pa lamang ang nadalaw na mga kabahayan ng TB Task Force.
Nilinaw din ni Marbella na suporta lamang ang TB Task Force sa kampanya laban sa TB sapagkat ang tanging responsibilidad nito ay tukuyin ang mga residenteng maaaring may sakit na TB at i-refer ito sa mga kinauukulan upang magamot.
Binigyang-diin din niya na hindi lamang umano nakasalalay sa balikat ng mga TB Task Force o mga awtoridad sa kalusugan ang ikasusugpo ng sakit na Tuberculosis kundi sa tulungang pagsisikap ng mga opisyal ng kalusugan, opisyal sa komunidad, mga residente sa barangay at maging ng mismong mga may sakit o potensyal sa sakit na TB. (BARecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment