Friday, February 17, 2012

Red Cross Youth Council dapat na akreditado ng Philippine Red Cross


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Pebrero 17 (PIA) – Nagpaalala ang Philippine Red Cross (PRC) Sorsogon Chapter sa mga paaralan dito, elementarya, hayskul o kolehiyo man na dapat na magkaroon muna ng koordinasyon sa kanila sakaling nais ng mga itong mag-organisa ng Red Cross Youth Council (RCY) o Red Cross 143 sa kani-kanilang mga paaralan.

Ayon kay PRC Sorsogon Chapter Administrator Salvacion L. Abotanatin, aminado silang may ipinalabas na Memorandum ang Department of Education Bilang 102 serye ng 2011 ukol sa pagpagbubuo ng mga Red Youth Council at pagsasailalim sa mga guro sa mga pagsasanay ukol sa iba’t-ibang mga serbisyo ng Red Cross, subalit dapat pa rin umanong dumaan sa tanggapan ng Philippine Red Cross upang maging lehitimong organisasyon ito.

Ang PRC din umano ang magbibigay ng mga kaukulang pagsasanay upang matiyak na naaayon sa layunin ng RCY ang pagkakabuo nito tulad ng pagsasabuhay ng mga humanitarian values at healthy lifestyle, malinang ang kasanayan bilang mga lider sa pamamagitan ng pagtulong at maisulong ang adbokasiya ng pakikipagkaibigan sa loob o labas man ng bansa.

Pangunahing aktibidad ng RCY Council ang pagsasagawa ng mga youth developmental training, pagsusulong ng malinis at malusog na pamumuhay sa pamamagitan ng pagpapataas ng kaalaman ukol sa pag-iwas sa mga kadahilanang maaaring pagmulan ng HIV/AIDS, voluntary blood donation at kaalamang pangkaligtasan sa mga lansangan, at hikayatin ang aktibong pakikilahok ng mga kabataan sa mga gawaing mangangalaga sa buhay sa pamamagitan ng first aid at basic life support training, disaster risk reduction at junior first aider’s program at mga aktibidad  pangkalusugan ng komunidad.

Ayon pa kay Abotanatin, target nila ngayong taon na makabuo ng anim na mga Junior RCY sa elementarya, limang Senior RCY sa hayskul at tatlong College RCY kung saan bawat isang konseho ay bubuuin ng apatnapu’t tatlong kasapi at isang team leader. Siyam dito ay isasailalim sa pagsasanay sa Disaster Management, siyam sa Health at Social Services at dalawampu’t-lima ang magiging target bilang mga blood donor para sa kanilang Blood Donor Program.

Bago natapos ang taong 2011 ay nakabuo na ang PRC Sorsogon chapter ng sampung aktibong mga RCY Council sa iba’t-ibang mga paaralan dito at umaasa din ang opisyal na maaabot nila ang inilaan nilang target ngayong taon. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments: