Friday, May 25, 2012

Mga magulang at guro nagkaisa para sa “Brigada Eskwela”


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, May 25 (PIA) – Opisyal na nagtapos ngayong araw ang isang linggong “Brigada Eskwela” na tinawag ding “maintenance week” o paglilinis sa lahat ng mga paaralan hindi lamang sa lalawigan ng Sorsogon kundi maging sa buong bansa.

Ayon kay Deputy City Schools Division Superintendent Rose Caguia, organisado at nagkaisa ang mga magulang sa ginawang “Brigada Eskwela” sa lahat ng mga paaralan sa Sorsogon City lalo’t malinaw sa mga ito adhikain ng aktibidad na maihanda ang mga paaralan at agarang masimulan ang pormal na klase sa unang linggo pa lamang ng pasukan, kung kaya’t naging matagumpay ito.

Nilinaw ni Caguia na hindi nila pinagbawalan ang sinuman, indibidwal man, organisasyon o grupong nais na tumulong sa pagsasaayos ng mga paaralan. Aniya, ang lahat ng mga "solicitation letter”, kung meron man, ng mga school teachers na may kaugnayan sa “Brigada Eskwela” ay dumadaan muna kay City School Division Supt. Virgilio Real at tinitingnan kung maari itong aprubahan o hindi.

Inihayag din niyang hanggang sa pagtatapos ng aktibidad ay walang pumasok na solicitation letter sa tanggapan ni Dr. Real para paaprubahan ito. Ipinaliwanag din niyang may tinatawag diumano silang Adopt-A-School Program kung saan may mga tanggapan o institusyong nag-aadopt ng paaralan at tinutulungan nito sa pagsasaayos at pagpapaganda ng kanilang adopted school.

Wala rin umanong sapilitang kontribusyong hiningi sa mga magulang para sa “Brigada Eskwela” sapagkat idinadaan muna sa konsultasyon ang lahat ng mga hihingiin o pangangailangan ng isang paaralan  at ikinukunsulta din sa mga opsiyal ng DepEd bago ipatupad ang kusang loob na pagbibigay ng anumang tulong sa isang paaralan.

Ang Brigada Eskwela ay binuksan hindi lamang sa mga magulang kundi sa lahat ng sektor sa komunidad na nais tumulong na maihanda ang paaralan para sa pagbubukas ng klase.

Ang klase para sa taong 2012-2013 ay opisyal na bubuksan sa ika-apat ng Hunyo 2012. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments: