Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Agosto 29 (PIA) – Matapos
ang ilang serye ng mga pagpupulong nitong mga nakaraang linggo, nakatakda nang
isapinal bukas ang mga aktibidad para sa darating na Kasanggayahan Festival
2012.
May temang “Kasanggayahan 2012: Sorsogon
Paunlarin, Agrikultura’t Industriya Paunlarin”, itatampok sa pagdiriwang ngayong
taon ang mga pinagkakakitaan ng mga Sorsoganon, produktong agrikultural, industriya,
kultura at turismo ng Sorsogon.
Ayon kay Sorsogon Governor Raul R. Lee,
hangad niyang magkaroon ng simple subalit makabuluhang pagdiriwang at tiyaking
may maiiwan sa alalaa ng mga Sorsoganon kaugnay ng ika-118 selebrasyon ng
Kasanggayahan Festival.
Kabilang sa mga aktibidad na itatampok sa
Kasanggayahan Festival ay ang Kasanggayahan Trade Fair, Diskwento Caravan, Pasyaran
sa Kapitolyo kung saan tampok dito ang pagsakay sa mga kalabaw, “Linanggang sa
Kasanggayahan”, at marami pang ibang tiyak na aabangan ng mga Sorsoganon at mga
dadayong turista dito.
Hindi rin umano mawawala ang “Pantomina sa
Tinampo” na taliwas sa nakasanayang choreographed steps, ngayong taon ay
ibabalik ang orihinal na sayaw at mas magiging malaya ang mga steps nito. Mas
tatatak din umano sa isipan ng publiko ang pantomina dahilan sa bibigyan din ng
pagkakataon ang mga ito na makilahok sa pagsasayaw ng pantomina sa kalsada.
(BARecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment