Monday, October 15, 2012

Aktibidad ng Kasanggayahan Festival nagpapatuloy, Parada ng mga Kalabaw tampok ngayong araw


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Oktubre 15 (PIA) – Nagpapauloy pa rin ang mga aktibidad kaugnay ng pagdiriwang ng Kasanggayahan Festival tampok ang pagpapakilala sa industriya ng agrikultura ng Sorsogon.

Pasado alas-syete kaninang umaga nang isagawa ang masayang parada ng mga naggagandahang kalabaw kung saan piniturahan at nilagyan ng iba’t-ibang disenyo ang mga kalabaw at ipinarada mula sa kahabaan ng Magsaysay Street patungo sa Balogo Sports Complex.

Tinanghal na “Most Attractive and Artistic Carabao” ang may pinakamagandang bihis at nanalo ito ng dalawang libong piso.

Ilan pa sa mga inaabangan ngayong araw na tiyak na magbibigay ng ibayong kasiyahan sa mga manonood ay ang Carabao Racing o pabilisan sa takbuhan ng mga kalabaw mamayang alas-tres ng hapon.

Makakatanggap ang unang tatlong pinakamabilis na mga kalabaw ng premyo kung saan tatlong-libong piso ang para sa unang pwesto, dalawang-libo para sa pangalawang pwesto at isang-libong piso para sa pangatlong pwesto.

Makikita sa mga magsasaka ang kasiyahan at ayon sa isang magsasaka, magiging inspirasyon nila ang pagdiriwang ng Kasanggayahan Festival ngayong taon lalo pa’t sa kanila nakatutok ang halos lahat ng mg aktibidad na ginanap.

Nagpapasalamat din umano sila sapagkat naramdaman nila na sa kabila ng mga modernong teknolohiya ngayon ay napapahalagahan pa rin ang mga orihinal na pamamaraan ng pagsasaka gamit ang kalabaw at muling ibinabalik sa isipan ng mga kabataan ngayon ang kontribusyon nito sa larangan ng pag-unlad ng lalawigan ng Sorsogon.

Ang kalabaw ang tinaguriang Pambansang Hayop ng Pilipinas. (BARecebido, PIA Sorsogon)


No comments: