Thursday, January 17, 2013

Alak at sigarilyo hindi kabilang sa sinusubaybayang produkto ng DTI


Larawang kuha ng talakayanatkalusugan.com
Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Enero 14 (PIA) – Nilinaw ng Department of Trade and Industry (DTI) Sorsogon na wala sa kanilang hurisdiksyon ang pagsubaybay sa presyo ng mga produktong alak at sigarilyo o mas kilala sa tawag na sin product.

Ipinaliwanag ni DTI Sorsogon Planning and Information Officer Senen Malaya na ang mga ito ay hindi kabilang sa tinatawag na basic o prime commodities na pangunahing binabatayan ng kanilang tanggapan.

Ayon pa kay Malaya, walang kautusang natanggap ang kanilang opisina mula sa DTI central office na subaybayan ang galaw ng presyo ng alak at sigarilyo kahit pa nga tumaas na ang presyo ng mga produktong ito dahilan sa epekto ng implementasyon ng Sin Tax Law.

Ang pahayag ni Malaya ay bilang reaksyon sa ilang mga sumbong sa biglaang pagtaas ng mga sin product bago pa man pumasok ang taong 2013.

Ayon sa mga sumbong, tumaas ng hanggang 30 porsyento ang halaga ng bawat kaha ng sigarilyo habang nasa 15 porsyento naman ang bawat bote ng alak noong kasagsagan ng pagdiriwang ng kapaskuhan at bagong taon.

Matandaang alinsunod sa Sin Tax Law, Enero 1, 2013 dapat na simulang ipatupad ang nasabing batas.

Sa kabila nito, tiniyak naman ni Malaya na nakahanda silang tumulong at umaksyon sakaling may mga reklamo silang matatanggap hinggil sa paglabag sa mga itinatakdang presyo o suggested retail price ng isang produkto nang sa gayon ay hindi makapagsamantala ang mga abusadong negosyante. (BARecebido, PIA Sorsogon)



No comments: