Ni: FB Tumalad
LUNGSOD NG SORSOGON, Abril 29 (PIA) –
Dumating na noong Biyernes ng umaga, Abril 26, sa probinsya ng Sorsogon ang
kabuuang bilang ng mga opisyal na balota na gagamitin sa Mayo 13 lulan ng
tatlong trak ng Air 21.
Bantay-sarado naman ang mga tauhan ng
Philippine Army at Sorsogon Police Provincial Office na nagbigay ng security
convoy sa cargo truck upang masigurong mapapangalagaan ito.
Ilalagak pansamantala sa Comelec Provincial
Office ang mga balota at itu-turn over naman ng Provincial
Election Supervisor sa mga Municipal at City Election Officer na siya namang
mamahala sa pamamahagi ng mga balota sa mga guro at kasamahan nito sa
kani-kanilang mga area of responsibility para gamitin sa araw ng halalan.
Samantala nagbigay na ng abiso sa mga guro
si Acting Sorsogon City Election Officer Atty. Neil B. Canicula, noon pang
Lunes, Abril 22, 2013, na inaasahang naroroon ang mga guro sa kani-kanilang
itinalagang polling precinct sa Mayo 6, 2013 para sa pagsasagawa ng Final
Testing at Sealing ng Precinct Count Optical Scan (PCOS) machine.
Sinabi pa ni Canicula na sa araw rin ng final testing ihahatid sa
kanila ng Air 21 service provider ang PCOS machine habang ang lalagyan ng
balota ay kukunin nila sa tanggapan ng
ingat-yaman o treasurer ng lungsod sa Mayo 6, 2013 bago mag-alas nuebe ng
umaga.
Makukuha naman sa tanggapan ng City
Election Officer ang mga sobreng paglalagyan ng ginamit na test ballots,
election return bago ang testing at pagseselyo, manual counting at PCOS
print-out, at iba pang mga report. (FB Tumalad-PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment