Tuesday, May 28, 2013

DTI inilahad ang iba pang maaaring pagkakitaan ng mga Sorsoganon

Bamboo-Dining Set
Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, May 28 (PIA) – Hindi lamang pili ang maaaring gawing champion product ng lalawigan ng Sorsogon.  Ayon sa Department of Trade and Industry Sorsogon, sagana ang lalawigan ng Sorsogon sa iba’t-ibang mga uri ng mga pananim na maaaring mapagkunan ng mga materyales na maaaring pagsimulan ng mga bagong produkto at pagkakitaan.

Isa sa mga isinusulong ngayon ng DTI Sorsogon ay ang pagpapalago ng industriya ng kawayan o bamboo mula sa pagpapadami nito hanggang sa maging panibagong produkto ito.

Ayon kay DTI Sorsogon Provincial Director Leah Pagao, nasa mga bayan ng Bulan, Castilla, Pto. Diaz at Pilar ang pinakamagagandang uri ng kawayan sa Sorsogon. 
Bamboo - Sala Set

Aniya, dahilan sa ang kawayan o bamboo ang isa sa tinitingnan ngayon na may marketability potential at maaaring maging daan upang makilala ang Sorsogon pagdating sa mga produktong world class, hinihikayat nila ang mga Sorsoganon na bigyang-pansin ang industriya ng kawayan at patuloy na tumuklas ng mga disenyo at produktong gawa sa kawayan.

Bamboo - Flooring
Kabilang sa mga produktong maaaring magawa mula sa kawayan ay mga muwebles tulad ng mesa, upuan at cabinet. Maaari ding maproseso ang malalaking kawayan at gawing pansahig, pandingding o kisame ang tabla ng kawayan.

Naririyan naman ang Provincial Small and Medium Enterprise Development Council (PSMEDC) na handang tumulong upang mapalago ang unti-unti na ngayong nakikilalang industriya ng kawayan. Tumutulong din ang PSMEDC upang maisulong ang mga proyektong prayoridad gawin ngayong taon ng DTI tulad ng pagsasaayos ng sistema sa pagnenegosyo at paglilisensya, pagpapalago ng industriya ng kawayan, coco coir at paggawa ng pili geographical indicator.


Samantala, maging ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) Bicol ay pinag-aaralan na rin kung papaanong makapagtatayo ng Bambusetum o bamboo nursery nang sa gayon ay makapagpatubo ng mas marami at iba-ibang uri ng kawayan. Sa pamamagitan ng Bambusetum ay mas madaling makakakuha ng pananim ang sinumang nais pumasok sa industriyang ito. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments: