Wednesday, May 18, 2011

FIDA pursigidong iangat ang industriya ng abaka sa Sorsogon


By: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, May 18 (PIA) – Pursigido si Fiber Industry and Development Authority (FIDA) Provincial Head Daniel Lachica na maiangat pa ang industriya ng abaka sa lalawigan ng Sorsogon lalo na’t sa ngayon ay maganda na ang estado ng produksyon nito.

Sa panayam kay Lachica, sinabi nitong sa nakalipas na mga taon naramdaman ng mga abakaleros ang pagbaba ng halaga ng abaca fiber kung kaya’t napilitan silang itigil na ang paghabi ng abaka at magshift na lang sa ibang alternatibong hanapbuhay.

Subalit sa unang kwarter ngayong taon, inihayag ni Lachica na malaki na ang itinaas ng halaga ng abaka at nagsisimula na ring makampante ang mga abakaleros.

Aniya, kung dati ay nagkakahalaga lamang ng P15 bawat kilo dahilan sa global crisis at peste, ngayon ay umaabot na ang bilihan nito sa P39 bawat kilo.

Sa datos nila ngayon, umangat diumano ang produksyon ng abaka sa Sorsogon kung saan naungusan na nito ang lalawigan ng Albay habang nananatili naman ang lalawigan ng Catanduanes sa pangunang pwesto.

Naghayag na rin diumano ng suporta si Sorsogon 2nd district congressman Deogracias Ramos, Jr. at tiniyak nito na tutulong siyang maayos at mas lalo pang maiangat ang industriya ng abaca sa Sorsogon. Target nya aniya na matulungan particular ang Bulusan.

Umapela naman si Lachica sa mga abaca farmers na tulungan ang FIDA upang manumbalik at sustinihan ang magandang produksyon nito.

Aniya, ang mga lugar ng Bulusan, Irosin, Casiguran, Magallanes at ilang bahagi ng Matnog at Sta. Magdalena, ang ilan sa may malalaki pang bilang ng mga mapagkukunan ng abaca sa Sorsogon.

Tiniyak din niya sa mga ito na laging nakahanda ang FIDA na tulungan ang mga abakaleros na maiangat ang antas ng pamumuhay ng mga ito. (PIA Sorsogon)






Malawakang inspeksyon sa mga boarding houses sa syudad nakatakdang isagawa ng City BFP

By: Francisco B. Tumalad, Jr.

Sorsogon City, May 18 (PIA) – Bilang paghahanda sa nalalapit at pagbubukas ng klase sa hunyo. Pangungunahan ni Chief BFP Renato Badong Marcial ang isasagawang mahigpit na inspeksyon sa lahat ng boarding houses na nag-ooperate sa syudad ng Sorsogon, simula sa linggo .

Layunin nang naturang aktibidad ay upang masiguro ang kaligtasan ng mga estudyanteng papasok at gagamit ng naturang mga pasilidad na ito ay ligtas sa anumang banta ng sunog sa buong taon.

Nagbigay rin ng ilang tips si Marcial sa mga mag-aaral na pumili ng bahay tulugan na mayroong lisensya na magpa-upa ng mga kuwarto at sumusunod sa fire safety standards na kinakailangan at hinahanap ng fire safety inspectors.

Isa na rito ang alarm system, fire extinguisher, fire exits at emergency lights sa mga kagamitan at reglamento ng kanilang opisina.

Binigyan na rin ni Marcial ng deriktiba ang lahat ng mga fire safety inspectors na saliksikin ng maiigi ang lahat ng paupahang silid tulugan sa lugar upang matuldukan na ang panganib dala ng sunog.

Nagbighay na rin ng kautusan si Marcial  sa mga opisyal ng barangay na tulungan ang BFP sa pagpapatupad ng Fire Code of the Philippines at ireport sa kanilang hotline ang mga boarding houses owners na walang permiso magpaupa at ayaw sumunod sa fire safety standards ng BFP.(PIA Sorsogon)







Probinsya ng Sorsogon, naitalang zero rabies sa unang tatlong buwan ng kasalukuyang taon

By: Francisco B. Tumalad Jr.

Sorsogon City, May 17 (PIA) – Sinabi ni Dra. Myrna Listanco, Department of Health Program Coordinator na walang naitalang biktima ng rabbies mula Enero hanggang Marso ng kasalukuyang taon.

Ito ay dahilan sa pinalawak at pinalakas na programa at kampanya ng DOH Bikol upang maiwasan ang nakakamatay na virus mula sa kagat ng asong may rabbies.

Mula Enero 2011, halos magkasunod na nagsasagawa ng massive vaccination sa syudad at probinsya ang dalawang opisina ng City Veterinary at provincial Veterinary office na pinamumunuan ni Dr. Alex Destura at Dr. Enrique Espiritu.

Wala na ring dapat ikabahala ang publiko sapagkat halos mangilan-ngilan na lamang ang natitirang mga barangay sa syudad ang hindi pa nabibisita ng mga bakunadors ng City Veterinary.

Dahilan na rin sa sobrang laki ng populasyon ng ilang barangay ay kinakailangan nilang magtala ng schedule upang magsagawa ng door to door vaccination para mapanatili at makontrol ang sakit na rabbies .

Dagdag pa ni Listanco na naglagay na rin sila ng mga Rabbies Treatment Facility sa Irosin District Hospital, Cumadcad Vicente District Hospital sa bayan ng castilla ,Bacon District hospital sa ikalawang distrito ng syudad at Sorsogon provincial Hospital na maaring pagdalhan ng mga nakagat ng aso.

Siniguro naman ng mga lokal na ahensya ng probinsya na nakahanda silang umalalay sakaling muling kailanganin ang kanilang tulong ng mga mamamayang sorsoganon. (PIA Sorsogon)


SPED swimming lesson, maaaring paipatupad ngayong school year 2011-2012

By: Francisco B. Tumalad Jr.

Sorsogon City, May 16 (PIA) - Sinabi ni Henry Lagamayo, Press and Information Officer ng Bicol Emergency Response Network Incorporated o (BERN) possibleng maipatupad ngayong pasukan ang swimming program para sa mga Special Education class.

Ang nasabing swimming program ay malaking tuwang para sa mga kabataan lalo na sa mga special children na maturuan at matuto ng tamang paglangoy upang mas lalo pang madevelop ang kanilang paniniwala sa kanilang mga sarili na maaaring ipakita at ipagmalaki pagdating sa larangan ng sports.

Sa kasalukuyan,  abala ang grupo ni Piere Dellosa sa pagtuturo ng swimming lesson clinics sa mga kabataan sa kahilingan na rin ng mga magulang ng mga bata na mahikayat  ang kanilang mga anak na sumali sa mga palaro tulad ng paglangoy.

Sinabi ni Pierre Dellosa, BERN President at Dep. Ed. City Division Health Nutrition Coordinator na sisimulan na nila sa susunod na buwan ang paghahanap ng mga potential swimmers na mga kabataan na kanilang tuturuan upang maging magaling na manlalangoy upang ipanlaban ang mga ito sa mga palaro dito sa syudad, pang rehihiyon man at national competition.(PIA Sorsogon)








Wednesday, May 4, 2011

50 scholarship certificates ipamamahagi


Ni: Bennie A. Recebido   

Sorsogon City, May 5 (PIA) – Habang ilang mga kolehiyo ang sa ngayon ay humihiling ng pagtaas ng matrikula para sa susunod na pasukan, mamimigay naman ng 100% tuition fee scholarship ang Computer Communication Development Institute (CCDI) – Sorsogon City campus sa limampung Sorsogon Press Club members upang makakuha ito ng college degree at dalawa pang computer course.

Ayon kay CCDI school administrator Ed Balasta, ang nasabing scholarship grant ay ibibigay sa kwalipikadong press club member na nagnanais na mapataas ang kanilang computer literacy.

Maaari umanong mamili ng kursong 4-yr Bachelor of Science in Information Management  o 2-year computer animation at 2-year associate in computer technology sa ilalim ng Community Expanded Scholarship Assistance Program (CESAP) ang mga mapipiling iskolar.

Sinabi ni Balasta na aabot sa isang milyong piso bawat taon hangang sa apat na milyonang piso ang magiging pondo hanggang sa makumpleto ang buong kurso.

Ayon naman kay Sor. Press Club president Red Lasay, ito ang kauna-unahang pagkakataon na may nagbigay ng ganitong uri ng scholarship sa kanilang mga miyembro.

Binibigyang karapatan din umano ang press club members na ibigay ang knailang slot sa kasapi ng pamilya o kamag-anak na may edad 16 – 25 at may 80% general average habang ang press club member ay maaaring mag-enrol sa alinmang kursong nabanggit kahit ano pa man ang edad nito. (PIA Sorsogon)


Project Initiation Program ng WFP gagawin sa susunod na linggo


Project Initiation Program ng WFP gagawin sa susunod na linggo
Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, May 4 (PIA) – Inanyayahan ng World Food Programme-Philippines (WFP) ang Provincial Disaster Risk Management Office ng Sorsogon sa pagbubukas ng isasagawang Project Initiation Workshop sa susunod na linggo, May 10-11, 2011 sa Asian Institute of Management.

Sa isang sulat na ipinadala ni Stephen L. Anderson, country director at kinatawan ng tanggapan ng WFP, dalawang araw na Project Initiation Program ang magiging panimulang aktibidad ng WFP kaugnay ng pagsasakatuparan nito ng “Provisions of Technical Support to the Government of the Philippines for Disaster Preparedness and Response Activities” project na babalangkas ng work plan para sa taong kasalukuyan at magpapahusay pa sa kapasidad ng pamahalaan sa national at regional level at sa mga local government unit (LGU) sa bahagi ng paghahanda at pagtugon sa mga kalamidad.

Partikular sa mga mahahalagang layunin ng Project Initiation Workshop ay ang sumusunod: ilatag ang mga resulta ng Capacity Needs Assessment; sumang-ayon sa konkretong hakbang sa pagsasakatuparan ng proyekto, pamamahala at pagsusuri nito; at kilalanin ang tinutumbok na target at action plan para sa national agencies at LGU.

Isasakatuparan ang aktibidad sa pakikipagtulungan ng WFP sa Department of Social Work and Development, Department of Interior and Local Government at Office of Civil Defense.

Nasa kabuuang walong mga musipalidad mula sa nabanggit ng mga probinsya ang makikinabang sa proyektong ito.

Matatandaang naging matagumpay ang ginawang Disaster Risk Reduction (DRR) capacity-needs assessment ng World Food Program - Earthquake and Megacities  Initiatives (WFP-EMI) sa mga bayan ng Juban at Irosin noong unang linggo ng Abril ngayong taon kung saan ang kinalabasan nito ang siyang magiging basehan sa pagpaplano at pagsasakatuparan ng mga susunod pa nilang hakbang. (PIA Sorsogon)

Disaster-prone areas sa bansa patuloy na inaalalayan ng WFP upang maging resilient community


Disaster-prone areas sa bansa patuloy na inaalalayan ng WFP upang maging resilient community
Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, May 4 (PIA) – Patuloy ang pagsisikap ng World Food programme-Philippines na maisakatuparan ang proyektong “Provisions of technical Support to the Governemnt of the Philippines for Disaster preparedness and response Activities”, bilang bahagi ng kanilang medium at long-term strategy, gayundin ang mga panukala ng WFP mula 2008 hanggang 2011 kung saan kinikilala ang kanilang mga pangangailangan sa layong mahadlangan ang talamak na pagkagutom at mamuhunan para sa kanilang disaster preparedness and mitigation measures.

Ayon kay Stephen L. Anderson, country director at kinatawan ng tanggapan ng WFP, ang proyektong ito ang siyang magpapahusay sa kapasidad ng pamahalaan sa national at regional level at sa mga local government unit (LGU) din para sa mabisa at maabilidad na paraan ng paghahanda at pagtugon sa mga darating na kalamidad sa pamamagitan ng malawakang pagsasanay na bubuuin ng mga paalala at pagbabahagi ng mga makabago at pinakamagaling na paraan at mga karanasan.

Sa antas ng local na pamahalaan, pakay nitong madagdagan pa ang kakayahan ng apat na target na lalawigan sa bansa na pawang mga disaster-prone areas, particular na ang Cagayan sa Region II; Laguna sa Region IV-A; Benguet sa CAR, at Sorsogon sa Region V.

Nasa kabuuang walong mga munisipalidad mula sa apat na probinsya ang makikinabang sa proyekto kung saan kabilang dito ang Juban at Irosin sa Sorsogon.

Samantala, malaki naman ang naging pasasalamat ni Sorsogon Governor Raul Lee na napabilang ang Sorsoogn sa mga napiling maging pilot project ng WFP, na tiyak na mas magpapagaling pa sa kasanayan ng mga aydentipikadong lugar pagdating sa kahandaan at pagbangon mula sa kalamidad. (PIA Sorsogon)