SORSOGON MULING NAPILI BILANG MODEL POLICE PROVINCIAL OFFICE SA BICOL
SORSOGON PROVINCE (February 19)– Muling pinatunayan ng Sorsogon Police Provincial Office ang natatanging kakayahan nito sa larangan ng pagpapatupad ng kanilang tungkulin matapos na mapili ito bilang Model Police Provincial Office sa buong rehiyon ng Bikol para sa taong 2009.
Ito ang may pagmamalaking inihayag ni Sorsogon Police Provincial Director Police Senior Superintendent Heriberto Olitoquit matapos na tanggapin nito ang plaque of recognition mula kay PNP Regional Director Police Chief Supt. Cecilio Binamira Calleja, Jr. sa isinagawang awarding ceremony sabay ng 19th PNP Anniversary Celebration na ginawa sa Camp General Simeon Ola noong Lunes, ika-lima ng Pebrero na may temang “Mamamayan at Kapulisan: Bayanihang Pangkatahimikan at Pangkaayusan”.
Ayon kay Olitoquit sa pangalawang pagkakataon, muli nilang pinatunayan ang kakayahan ng mga kapulisan dito sa Sorsogon sa larangan ng pagmamantini ng kaayusan, kapayapaan at magandang relasyon sa komunidad kung kaya’t masaya niyang pinasalamatan ang lahat ng mga nasa likod ng tagumpay nilang ito.
Matatandaang nakuha rin ng Sorsogon Police Provincial Office ang kahalintulad na pagkilala noong 2008 sa ilalim ng panunungkulan ni dating provincial director PSSupt. Henry Rañola.
Kasabay ng pagkakapili sa kanila ay ang pagkakapili din ng Sorsogon Provincial Public Safety Management Company, dating 508th Police Provincial Mobile Group (PPMG) bilang Model Provincial Maneuver Unit for 2009.
Ayon kay PCI Rogelio Beraquit, acting commander ng Sorsogon Provincial Public Safety Management Company, ito rin ang pangalawang pagkakataong napili sila bilang Model Provincial Maneuver Unit for 2009 dahilan sa nakuha na rin nila ang kahalintulad na award noong nakaraang taon kung saan PPMG pa sila.
Binigyan din ng pagkilala si Sorsogon City Mayor Leovic Dioneda bilang isa sa mga Civilian Awardee sa taong 2009 dahilan sa buong suportang ibinigay nito sa lahat ng programa at kampanyang ipinatutupad ng PNP. (Bennie A. Recebido)
No comments:
Post a Comment