Wednesday, March 3, 2010

News Release

TULONG PARA SA MGA BATANG MAY KANSER IPINANAWAGAN

SORSOGON PROVINCE (March 3) – Nananawagan sa publiko si Tomas Leonor, dalawampu’t walong taong gulang at tubong San Pedro, Laguna, na suportahan ang kanyang adbokasiya na tinagurian niyang Step Juan.

Ang Step Juan ay isang proyektong may layuning makaipon ng pondong tutulong sa pagpapagamot ng mga batang may sakit na kanser sa pamamagitan ng gagawing paglalakad ni Leonor sa ilalim ng Cancer Warrior’s Foundation, isang non-profit organization na nag-aabot ng tulong upang maalagaan at maipagamot ang mga batang may kanser.

Matatandaang sinimulan ni Leonor ang paglalakad sa Pagudpod, Ilocos Norte noong January 11, 2010, at sa ikawalong linggo ng kanyang paglalakad ay narating na niya ang Bikolandia noong Lunes, March 1 kung saan tinatayang nasa lima hanggang anim na kilometro bawat oras ang kanyang nilalakad.

Ngayong araw March 4 ay inaasahang mula sa bayan ng Daraga dyan sa Albay ay tutuloy na siya sa Sorsogon, ang ikalabing-apat at panghuling lalawigan sa kanyang iskedyul.

Sa March 5 ay inaasahang nasa lungsod na ito ng Sorsogon at tutuloy sa Casiguran, Sorsogon kung saan magpapahinga lamang siya ng isang araw dito.

Sa panghuling lingo ng kanyang paglalakad, inaasahang mararating na nito ang bayan ng Irosin sa darating na Lunes at Matnog sa darating naman na Martes, March 9, kung saan dito na rin matatapos ang kanyang Step Juan Pagudpod to Matnog walking expedition.

Nasa 1, 294 kilometro ang layo ng Pagudpod, Ilocos Norte at Matnog , Sorsogon kung saan tatlumpu’t tatlong pangunahing mga lungsod at isangdaan limampung bayan ang dapat na daanan ni Leonor bago nya matapos ang kanyang paglalakad.

Umani naman ng suporta ang ginagawang ito ni Leonor mula sa iba’t-ibang sector ng lipunan habang may mga iba namang dinamayan pa siya at sumama sa kanyang paglalakad.

Samantala, dito sa Sorsogon ay nakaantabay na rin sa pagdating ni Leonor ang ilang mga grupong naghayag na ng kanilang suporta sa kanyang adhikain na kinabibilangan ng mga volunteers mula sa cyclist association of Sorsogon, PNP, mountaineers, green peace at iba pang mga sektor.

Suportado din ito ni Sorsogon Governor Sally Lee at ng PIA Sorsogon sa pangunguna ni Infocen Manager Irma Guhit na nangako ding sasamang maglakad hanggang Casiguran, Sorsogon.

Maaari ding maglog-on sa www.stepjuan.com ang sinumang nagnanais pang sumuporta para sa iba pang mga detalye ng proyektong step juan. (Bennie A. recebido, PIA Sorsogon)

No comments: