Friday, March 5, 2010

Tagalog News

SK SINANAY NG PVO SA DOG VACCINATION

SORSOGON PROVINCE (March 5) – Isinailalim ng Provincial Veterinary Office ang mga opisyal at kasapi ng Sangguniang Kabataan sa bayan ng Donsol sa isang pagsasanay sa pagsasagawa ng anti-rabies injection sa mga aso kahapon, March 4.

Ang aktibidad ay bahagi ng obserbasyon ng Rabies Awareness Month sa bansa.

Ayon kay Provincial Veterinarian Dr. Enrique Espiritu, pinili nila ang bayan ng Donsol upang doon magsagawa ng pagsasanay dahilan sa naitalang dalawang biktimang namatay sanhi ng kagat ng aso noong nakaraang taon.

“Maliban dito, nais ding maprotektahan ng aming tanggapan ang kaligtasan ng mga dadayong turista sa Donsol lalo pa’t nagsisimula na rin silang dumagsa sa Donsol kaugnay ng papalapit na summer season,” pahayag pa ni Espiritu.

Inilarawan din nito ang bagsik ng rabis sa tao kung kaya’t nararapat lamang aniyang maging alerto at magkaroon ng kasanayan ang mga mamamayan ukol sa tamang pamamahala sa rabis.

“Sa hakbang na ito ay magiging katuwang namin ang Sangguniang Kabataan sapagkat naniniwala kaming malaki ang maiaambag ng mga kabataan pagdating sa pagpapalaganap ng impormasyon at mga istratehiyang makakatulong sa pagpapatupad ng ating anti-rabies program,” dagdag pa niya.

Walumpong bahagdan ng kabuuang populasyon ng mga aso sa Donsol ang target nilang mabakunahan bago pa man dumating ang summer vacation.

“Sa susunod na lingo ay masusubukan na namin ang mga natutunan ng sinanay na SK sa gagawin naming massive dog vaccination sa Donsol.

Samantala, sinabi rin ni Espiritu na hindi pa naman nakakabahala ang kaso ng mga nabibiktima ng rabis sa Sorsogon, subalit pinaalalahanan nito ang publiko na dapat pa ring pag-ibayuhin ang pag-iingat nang sa gayon ay walang nabubuwis na buhay dahil lamang sa kagat ng aso. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)

No comments: