Thursday, March 25, 2010

PANG-AABUSO SA KABABAIHAN DAPAT NA MATULDUKAN

Tagalog News Release

SORSOGON PROVINCE (March 24) – Kaugnay ng isinasagawang pagdiriwang ng Women’s Month ngayong buwan ng Marso, nanawagan si Sorsogon City Gender and Development Chief Rose Abay sa lahat ng mga kababaihan na huwag matakot magsuplong sa mga kinauukulan sakaling maharap sila sa sitwasyon ng anumang uri ng pang-aabuso.

Aniya, nakahanda ang kanilang tanggapan na tumulong anumang oras na may dumulog sa kanila nang sa gayon ay matuldukan ang mga pang-aabuso sa mga kababaihan.

Sinabi ni Abay na sa kanilang tala, noong nakaraang taon, umabot sa isanglibo ang bilang ng naitalang biktima ng pang-aabuso sa mga kababaihan, at sa pagpasok naman ng 2010 ay nakapagtala na sila ng tatlong kaso ng incest, dalawang kaso ng rape at patuloy pa ring nakakatanggap ng iba pang uri ng kaso ng pang-aabuso sa mga kababaihan sa Sorsogon City.

Ayon kay Abay, ang pagdami ng bilang ng mga lumalapit sa kanilang tanggapan ay bunga na rin ng malawakang information and education campaign na ginagawa nila sa mga Barangay kung saan binibigyang-diin nila ang kahalagahan ng respeto sa dignidad ng bawat kasapi ng pamilya partikular ang mga kababaihan at ang pantay na distribusyon ng mga gawain sa pagitan ng mag-asawa pagdating sa pag- aalaga ng mga anak, paghahanap-buhay at paggawa sa loob ng tahanan.

Hiniling din ni Abay sa mga kalalakihan na suportahan nito ang kanilang panawagan upang maisulong, madinig at maipaabot sa kanilang tanggapan ang mga hinaing na may kaugnayan sa mga pang-aabuso sa loob ng tahanan nang sa gayon ay matugunan ito at mabawasan ang mga paglabag sa mga karapatan ng bawat kasapi ng pamilya.

Nilinaw din ni Abay na pantay ang pagbibigay nila ng atensyon sa kalalakihan at kababaihan sa pagsusulong nila ng gender advocacy and development program. (Benneie A. Recebido, PIA SOrsogon)

No comments: