Thursday, March 25, 2010

TAX MOTORCADE ISINAGAWA NG BIR SORSOGON

Tagalog News Release
SORSOGON PROVINCE (March 24) – Isang tax motorcade ang isinagawa kahapon ng mga tauhan ng Bureau of Internal Revenue Sorsogon District Office na naglalayong pukawin ang kamalayan ng publiko ukol sa tamang pagbabayad ng buwis.

Ang nasabing tax motorcade na may temang “Making the Public Know” ay dinaluhan din ng ibang mga taga-media at iba pang mga suportador ng BIR partikular upang ipanawagan din sa publiko ang deadline ng pagsumite ng income tax sa darating na April 15.

Ayon kay Sorsogon Revenue District Officer Arturo Abenoja, nakatuon ngayon ang BIR sa pagpapalawak ng kanilang tax monitoring campaign at sa pagpapalakas pa tax collection efficiency.

Aniya, pinaghahandaan din ng kanilang tanggapan ang pagpapaigting ng Run After Tax Evaders o RATE program upang mapababa ang mga tax evasion cases at mapasigla ang revenue collection ng pamahalaan.

Sinabi din niyang nakikipag-ugnayan ang BIR sa iba't-ibang ahensiya at mga pribadong kumpanya upang matulungan silang makakuha ng impormasyon kaugnay ng mga kinita at lifestyles ng mga taxpayers, pati na rin yaong mga negosyong may kaugnayan sa election campaign gaya ng pag-imprinta ng mga fliers, posters at iba pa.

Kasabay din ng mga hakbang na ito ay ang pagpapatupad ng BIR ng kanilang transparency program kung saan tiniyak niya sa publiko na bukas ang kanilang tanggapan sa sinumang nagnanais na makita ang mga programa, proyekto at gawain ng BIR upang maiwasan ang anumang mga pagdududa.

Samantala, matatandaang kamakailan ay naging matagumpay din ang isinagawang Tax Wizard Quiz ng BIR Sorsogon kung saan nilahukan ito ng mga mag-aaral mula sa pribado at pampublikong kolehiyo sa lalawigan.

Ayon kay Abenoja, balak din nilang gawin ito sa susunod pang mga pagkakataon sapagkat aniya, sa ganitong hakbang man lang ay mapukaw din ang kamalayan ng mga kabataan ukol sa tamang pagbabayad ng buwis nang sa ganon ay malinang na sa mga ito ang pagiging responsableng tax payers sa hinaharap. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)

No comments: