Monday, May 31, 2010

DALAWANG MARICULTURE ZONES SA SORSOGON ISASAILALIM SA REHABILITASYON

Tagalog News Release

SORSOGON PROVINCE (May 27) – Dalawa sa tatlong mariculture zones dito sa lalawigan ng Sorsogon ang isasailalim sa proseso ng rehabilitasyon matapos na masira ito noong pinakahuling bagyong tumama sa probinsya.

"Tiyak na matutuloy na ang rehabilitasyon ng mariculture zone sa lungsod ng Sorsogon at sa bayan ng Magallanes ngayong tapos na rin ang halalan na isa sa mga kadahilanan ng pagkaantala ng pagsasaayos nito," pahayag ni Provincial Fisheries Officer Gil Ramos.

Ayon kay Ramos, patuloy ang pagpupunyagi ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR)hindi lamang sa lalawigan ng Sorsogon kundi sa buong rehiyon ng Bikol na matulungan ang mga mangingisdang interesadong pumasok sa fish sea cage culture.

Ang Bicol region ay may anim na mariculture zones kung saan tatlo dito ay nasa lalawigan ng Sorsogon, dalawa sa Camarines Sur at isa sa Masbate.

May kabuuang 1,705 na ektarya, bukas ang nabanggit na mariculture zones at parks sa mga imbestor, korporasyon, kooperatiba at mga indibidwal na nagnanais magkaroon ng magandang kita sa pamamagitan ng fish cage culture.

Matatandaang nasa 500-hectare ang Bacon Mariculture Zone Development and Management Project sa Sogod Bay, Sorsogon City, 300-hectare naman ang Magallanes Mariculture Zone Project na pumapalibot sa Bagatao at Tinacos Island sa bayan ng Magallanes, habang nasa isangdaang ektarya naman ang bagong tayo ngayong taon na mariculture park sa bayan ng Matnog.

"Sa oras na tuluyan nang marehabilitate and dalawang marine zones, tiyak na magiging produktibo din dito ang seaweed farming, aquasilvi-culture at sea ranching ng mga ulang at sea horses, maliban pa sa mga fin fishes," ayon pa kay Ramos.

Aniya, ang pagkakadeklara ng katubigan sa mga lugar na ito bilang mariculture zones at parks ang magbibigay proteksyon at magpapalago ng produksyon ng marine products sa lalawigan. Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)

No comments: