Tagalog News Release
SORSOGON PROVINCE (May 26) – Sa kabila ng mainit pa ring panahon ngayon dito sa lalawigan, balik na halos sa normal ang paghahanapbuhay ng mga magsasaka at mangingisda dito matapos na maapektuhan ang kanilang hanapbuhay ng tinatawag na water stress.
Sinabi ni Provincial Agriculture Office Supervising Agriculturist Narciso Cayetano na bagama’t hindi kabilang ang lalawigan ng Sorsogon sa mga direktang apektado ng matinding tagtuyot dala ng El Niño, ilang mga bayan din dito ang naapektuhan naman ng tinatawag na water stress.
Ang water stress ay isang kondisyong nangyayari kapag higit ang pangangailangan sa tubig kaysa sa inaasahang suplay nito.
Nilinaw ni Cayetano na sa rehiyon ng Bikol, tanging ang lalawigan lamang ng Masbate ang idineklarang direktang naapektuhan ng El Niño at hindi dito kabilang ang Sorsogon.
Ipinaliwanag niya na konsideradong tinamaan ng El Niño ang isang lugar kung hindi ito nakaranas ng pag-uulan sa loob ng isa hanggang dalawang buwan.
Taliwas ito sa karanasan ng lalawigan ng Sorsogon kung saan nakaranas dito ng sunud-sunod na pag-uulan nitong mga nakalipas na buwan.(Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment