Tuesday, May 25, 2010

MGA MANGINGISDA HINIKAYAT NG BFAR NA SUBUKAN ANG FISH PEN AT FISH CAGES

Tagalog News Release

SORSOGON PROVINCE (May 24) – Sa patuloy na pagbabago ng temperatura ng panahon, hinikayat ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang mga mangingisda na sa halip na umasa sa kapalaran ay maglagay sila ng mga hawla o kulungan upang i-culture ang mga biyaya ng dagat gaya ng isda at iba pang mga lamang-dagat.

Ayon kay Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Director Malcolm Sarmiento, sa pamamagitan ng iba’t-ibang mga teknolohiya sa pagpapalago ng mga isda at lamang-dagat ay mas nakatitiyak ang mga mangingisda na mayroon silang kikitain sa halip na umasang sa paglalaot lamang sila makakahuli ng ikabubuhay.

Aniya ang paglalagay ng mga fish pens at fish cages ay isa umanong pamamaraan upang makaagapay sa epektong dulot ng climate change.

"Nakahanda rin kaming turuan ang mga mangingisda na palaguin ang iba’t-ibang mga marine species tulad ng abalone, sea cucumber, sea urchin at iba pang mga uri ng lamang-dagat na maaaring mabuhay kahit na pabago-bago ang klima," ayon pa sa kanya.

"Kaugnay pa nito, nagpatupad rin ang BFAR sa tulong ng mga lokal na pamahalaan ng paglalagay ng mga seaweed nurseries, mariculture zones at mariculture parks sa iba’-ibang bahagi ng bansa kung saan isa ang lalawigan ng Sorsogon sa nabiyayaan nito," dagdag pa ng opisyal.

Umaasa ang BFAR na mamamantini ng pamahalaang lokal ang tatlong mariculture zones na inilagay sa Sorsogon City, Magallanes at Matnog, Sorsogon nang sa gayon ay maprotektahan ang unti-unting pagkakaubos ng mga isda na siyang papatay din sa kabuhayan ng mga taong umaasa dito sakaling mapabayaan ito. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)

No comments: