Tagalog News Release
SORSOGON PROVINCE (June 9) – Handang-handa na ang Philippine Coast Guard Sorsogon sa pagdagsa ng mga pasahero sa mga pantalan kaugnay ng nalalapit na pagbubukas ng klase sa susunod na linggo.
Ayon kay PCG Sorsogon City Station Commander Lt. Junior Grade Ronnie Ong, bahagi ng kanilang “Oplan Paghahanda 2010” ay ang pag-aalerto sa mga Coast Guard stations sa tatlong malalaking pantalan dito – ang Matnog, Pilar at Bulan – dahilan sa tiyak na pagdagsa ng mga estudyanteng pasahero dito.
“Nais naming matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero kung kaya’t itinaas na namin sa full alert status ang aming mga tauhan simula pa noong unang araw ng Hunyo at nakipag-ugnayan na rin kami sa mga shipping companies ukol sa mga patakarang dapat nilang sundin,” pahayag ni Ong.
“May inilagay na rin kaming passengers’ help desk sa naturang mga pantalan upang tiyaking nabibigyang-pansin ang mga pangangailangan ng mga pasahero at tao sa pantalan,” dagdag pa niya.
Sinabi ni Ong na maliit man o malaking sasakyang pandagat ay dapat na sumunod sa patakarang ipinatutupad para na rin sa kaligtasan ng lahat, partikular na dito ang mahigpit na pagpapatupad ng overloading at ‘no lifejacket, no travel policy’, pati na rin ang ‘proper storage of cargos policy’.
Sa panig ng pagmamantini ng seguridad, full alert na ang kanilang K-9 dogs sa mga pantalan ng Matnog, Pilar at Bulan at ang kanilang special operations units sa pantalan ng Matnog.
Ayon pa kay Ong, maliban sa papalapit na pasukan ay naghahanda na rin sa ngayon ang kanilang tanggapan sa pagpasok ng mga bagyo sa bansa bilang bahagi na rin ng kanilang disaster preparedness plan.
Samantala, binigyang-linaw ni Ong na sa Sorsogon ang tatlong malalaking pantalan lamang ang may Coast Guard stations. Deputized naman aniya, ang mga Local Government Units na ipatupad ang mga regulasyong pangkaligtasan sa mga lugar na hindi na sakop ng coastguard. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment