Tuesday, July 6, 2010

AKTIBIDAD SA NUTRITION MONTH SINIMULAN NA

Tagalog News Release

SORSOGON PROVINCE (July 6) – Isa sa mga ipinagdiriwang ngayong Hulyo ay ang buwan ng Nutrisyon.

Sa pangunguna ng Provincial Nutrition Committee ng tanggapan ng gobernador ng Sorsogon, Hunyo a-trenta pa lamang ay sinimulan na ang paglalagay ng streamers ng ilang mga ahensya na sumusuporta sa programang pangkalusugan ng pamahalaan na nagsasaad ng kaukulang impormasyon sa pagdiriwang ng 2010 Nutrition Month celebration.

May temang “Healthy Lifestyle ng Kabataan, Landas sa Kinabukasan”, sinabi ni Provincial Nutrition Committee Chair Grace Jardin na binibigyang tuon ng selebrasyon ang nutrisyon at pangkalusugang pangangailangan ng mga bata at kabataan.

Noong Biyernes ay nagkaroon ng pulong ang mga Nutrition Action Officers ng bawat munisipyo at lungsod dito na nilahukan ng labing-anim na mga representante.

Sa darating na Hulyo a-kinse naman ay isang patimpalak sa nutrisyon para sa labin-limang mga Barangay Nutrition Scholars ang isasagawa sa Training Hall ng lungsod.

Sinabi ni Jardin na on-going din ang gagawin nilang pagbibigay ng refresher course sa siyamnapu’t-dalawang mga midwives at Barangay Nutrition Scholars at advocacy meeting sa dalawampu’t-limang Municipal Nutrition Council members sa buong lalawigan.

Partikular din aniya nilang tututukan ang uri ng mga pagkaing inihahanda hindi lamang sa iba’t-ibang mga canteen dito kung saan kumakain ang mga estudyante at manggagawa at ang pagpapaigting pa sa kamalayan ng publiko ukol sa healthy lifestyle. (bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)

No comments: