Thursday, August 19, 2010

INFORMER’S REWARD MAGPAPAIGTING SA KAMPANYA NG BIR LABAN SA PANDARAYA SA BUWIS

Tagalog News

SORSOGON PROVINCE (August 19) – Sa kabila ng magandang performance ng Bureau of Internal Revenue Sorsogon Field Office, higit pa rin nilang palalakasin ang kanilang tax collection program at kampanya laban sa pandaraya sa buwis nang sa gayon ay maabot nito ang natitira pa nilang target collection para sa 2nd semester ng taong 2010.

Ayon kay BIR Sorsogon Revenue Officer Arturo Abenoja, Jr., gagawin nila ang pagpapaigting pa ng kanilang programa at informer’s reward system sa sino mang makapagbibigay sa kanila ng kaukulang aydentipikasyon ng mga lumalabag sa batas sa buwis o mga tax evaders lalo na yaong may mga malalaking establisimyento o negosyo alinsunod na rin sa ipinatutupad ng pamahalaan.

Ang informer’s reward ay katumbas ng sampung porsyento o 10% ng halagang makokolekta mula sa impormasyong ibinigay o di kaya’y one million depende sa kung alin ang mas mababang halaga.

Sinabi ng opisyal na dapat lamang na managot sa batas ang sinumang mamamayan na lumalabag sa batas ukol sa tamang pagbabayad ng buwis sapagkat maliban sa ito ay isang krimen, dahilan din sila upang mabawasan ang kakayahan ng pamahalaan na matustusan nito ang kaukulang serbisyo at pangangailangan ng mga mamamayan.

Matatandaang sa direktiba ni Pangulong Benigno Aquino dapat diumanong ipatupad ang agresibong tax collection effort ng bansa nang sa gayon ay maaabot nito ang 15 % tax effort ratio mula sa kasalukuyang 13%.

Naniniwala si Pangulong Aquino na kayang maabot ng BIR ang P860 billion revenue target ngayong 2010.

Target din ng kasalukuyang administrasyon na bago matapos ang paninilbihan ng Pangulong Aquino ay malagpasan nito ang tikas ng tax collection noong panahon ni dating Pangulong Fidel Ramos. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)

No comments: