Tuesday, August 17, 2010

NAKURYENTE SA SORSOGON, PITO ANG PATAY

Tagalog News

SORSOGON PROVINCE – Pito ang naitalang patay sa Brgy. Guinlajon, Sorsogon City sanhi ng pagkakakuryente ng mga ito mag-aalas-sais ng gabi kahapon, August 16.

Ang mga biktima na pawang nasa legal na edad ay kinilalang sina Benito Jintalan, 65, magkapatid na Arnel Janaban, 31 at Gilbert Janaban,18, mag-amang Leopoldo Roldan, 70, at Neptali Roldan, 19, at ang magtiyo na sina Jose Macapagal, 66, at Ronald Macapagal, 21.

Habang naisugod naman sa isang pribadong ospital dito sa lungsod ng Sorsogon ang nag-aagaw buhay na si Eric Janaban, 22, pinsan ni Arnel at Gilbert, at hanggang sa ngayon ay patuloy pa ring ginagamot.

Ang mga biktima ay pawang residente ng Sitio Kimuntod Saday, Brgy. Guinlajon, Sorsogon City.

Ayon sa inisyal na report ng kapitbahay ng mga biktima, aalisin na sana ni Benito Jintalan ang coco lumber lay-out ng ginagawang poso negro nang aksidente siyang madulas sa isang hagdan at mahulog sa loob ng nasabing poso negro na may lamang tubig kasabay ang extension ng ilaw na siyang sanhi ng pagkakakuryente nito.

Tinatayang umaabot sa 240 boltahe ng kuryente ang pumasok sa katawan ng mga biktima.

Agad namang sinaklolohan si Jintalan ng pitong kapitbahay sa pag-aakalang inatake ito sa puso dahilan upang madamay sila sa pagkakakuryente at siyang ikinamatay ng mga ito at pagkakaospital ng isa pa.

Samantala, agad namang nagpaalala sa publiko ang mga opisyal dito partikular ang Sorsogon Electric Cooperative na pag-ibayuhin ang pag-iingat laban sa kuryente, at kung sakaling maharap ang sinumang indibidwal sa ganitong sitwasyon, lalo’t alam na kuryente ang dahilan, dapat na hindi nawawala ang presence of mind, agad na ibaba ang fuse o source of power, at huwag direktang hahawakan ang biktima.

Sakaling nais iligtas ang biktima, dapat gumamit ang tagaligtas ng mga non-metallic na bagay tulad ng kahoy, anit, tela at rubber, subalit dapat na tiyaking hindi basa ang mga ito. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)

No comments: