Wednesday, August 4, 2010

MGA SORSOGANON NAGHAYAG NG KANILANG REAKSYON UKOL SA SONA NI P-NOY

Tagalog News

SORSOGON PROVINCE – Satisfactory ang ibinigay na rating ng karamihan sa mga Sorsoganong nakinig at nanood sa kauna-unahang State of the Nation Address o SONA ng Pangunong Noynoy Aquino kahapon.

Ayon sa karamihan ng mga nakapanayam natin, pinakanagustuhan nila ang naging paglalahad ni P-Noy ng mga katiwaliang naganap at maaari pa sanang maganap sa ilang mga ahensya ng pamahalaan. Nagustuhan din ang pagpapalakas ng witness protection program at ng public-private partnerships at ang hamong inilahad ng Pangulo sa sector ng media at ang tungkol sa usapin ng kapayapaan.

Pinuri din ng karamihan ang paggamit ni P-Noy ng wikang Pilipino sa kanyang SONA sapagkat anila’y mas naintindihan ito ng mga ordinaryong tagapakinig.

Subalit, hindi rin naman naiwasang maghayag ng pagkadismaya ang ilang mga kawani ng pamahalaan dito dahilan sa pagiging tahimik ng Pangulo ukol sa mga isyu sa GSIS. Maging ang isyu ng Land Reform ay hindi rin natalakay dahilan upang mag-isip ang ilang mga residente dito na hindi kayang bigyang solusyon o di kaya’y talagang wala ito sa prayoridad ng bagong administrasyon.

Hindi naman kumbinsido ang ilang mga residente dito sa inilahad ng Pangulo ukol sa mga katiwalian ng nakaraang administrasyon, mas naging kapanipaniwala anila ito, kung ito ay nasuportahan ng mas matitibay at konkretong ebidensya.

Dagdag din ng ilan na wala ding specific mechanism ang Truth Commission ng Pangulo at ito diumano’y dodoble lamang sa kapangyarihan at gawain ng Ombudsman. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments: