Friday, August 6, 2010

MGA SENIOR CITIZEN NAGPASALAMAT SA PAGPAPATUPAD NG RA 9994

Tagalog News

SORSOGON PROVINCE (August 6) – Muling kinakitaan ng kakaibang sigla ang mga lolo at lola dito sa lalawigan ng Sorsogon matapos na ipatawag ang kanilang mga kinatawan sa isinagawang Stakeholder’s Forum on the Implementing Rules and Regulations of Republic Act No. 9994 noong nakaraang linggo.

Ang RA 9994 o mas kilala bilang ”Expanded Senior Citizens Act of 2010” ay ang batas na mag-iexempt sa mga senior citizens sa 20% expanded value added tax (EVAT) at magbibigay sa kanila ng karagdagan pang mga benepisyo.

Matatandaang sa Senior Citizens Act of 2003, 8% discount lamang ang ibinibigay sa mga senior citizens subalit sa bagong batas ay mas pinalawak pa ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng 5% discount sa mga utility services bills tulad ng tubig at kuryente.

Ayon kay Sorsogon Provincial Federation of Senior Citizens Association Ramon Dreu, malaking tulong diumano lalo na sa mga indigent senior citizens ang mga benepisyong nakasaad sa RA 9994 partikular ang tungkol sa mga diskwentong ipapatataw sa kanilang bayarin sa mga pangunahing kunsumo, health services, utility services at iba pang mga serbisyong magbibigay sa kanila ng komportableng pamumuhay.

Aniya, naging magandang balita din sa mga senior citizen na maging sa huling sandali ng kanilang buhay at maging sa kanilang pagtalikod sa mundo ay maari pa ring ma-enjoy ang mga benepisyong ito tulad ng diskwento sa mga funeral parlors.

Subalit binigyang-linaw naman ni Arwin Razo ng Department of Social Welfare and Development Regional Office V na saklaw lamang ng diskwento ang embalsamasyon at kabaong at hindi kasama ang loteng himlayan.

Sinabi ni Dreu na malaki ang pasasalamat ng mga senior citizen sa pamahalaan dahilan sa pagpapahalagang ginagawa nito sa kanila na tunay din namang nararamdaman nila. Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)

No comments: