Friday, September 3, 2010

OBSERBASYON NG NATIONAL CRIME PREVENTION MONTH OPISYAL NANG SINIMULAN; PUBLIKO MAY MALAKING PAPEL SA PAGSUGPO SA KRIMEN

Tagalog News Release

SORSOGON PROVINCE (September 3) – Higit pang pinag-iigting ngayon ng mga kapulisan ang kanilang kampanya laban sa kriminalidad kaugnay ng ikalabing-anim na taon ng obserbasyon ng National Crime Prevention Week na idinaraos tuwing unang linggo ng buwan ng Setyembre.

Sa ilalim ng temang "Komunidad at Pulisya, Magkasama Tungo sa Pag-unlad ng Bayan!" ng slogang "Ako, Ikaw, Tayong Lahat Laban sa Krimen!", mahigpit ang panawagan ni Sorsogon Police Provincial Director Heriberto Olitoquit sa publiko na maki-isa at makibahagi sa kampanya ng pamahalaan laban sa kriminalidad tungo sa hangaring kapayapaan sa bansa.

Ang National Crime Prevention Week na nalikha sa bisa ng Proclamation No.461 ni dating Pangulong Fidel Ramos noong August 31, 1994 ay ipinagdiriwang mula September 1 hanggang September 7.

Matatandaang sa naging pahayag ni National Police Commission (Napolcom) Chairman at DILG Secretary Jesse M. Robredo sa pagbubukas ng selebrasyon noong Sept 1 sa Camp Crame, sinabi niyang malaking oportunidad ang pagdiriwang upang maitampok ang ginagawang pagtutulungan ng iba’t-ibang mga ahensya ng pamahalaan maging ng mga non-government organizations sa pagpapatupad ng komprehensibong community-based crime prevention programs.

Kabilang na aniya dito ang mga gawaing kinasasangkutan ng mga malalagim na krimen, drug abuse at mga nakawan na nagpapababa ng kalidad ng pamumuhay sa mga komunidad.

Kaugnay nito, magkasunod na symposium ang isinasagawa ngayon ng Provincial PNP sa dalawang malalaking paaralan dito sa lungsod upang maipamulat sa mga mag-aaral ang kanilang mga papel sa komunidad at upang matulungang makapamuhay ang mga mamamayan sa kani-kanilang mga lugar ng matiwasay at matahimik.

Sa tulong din ng mga local media ay patuloy din ang PNP sa kanilang information dissemination sa publiko ukol sa pag-iwas sa iba’t-ibang uri ng krimen .

Aktibo din ang Sorsogon City sa pagsasagawa ng mga seminar na magbibigay kasanayan sa mga barangay officials at barangay tanod upang higit pang madagdagan ang kaalaman ng mga ito sa pagpapatupad ng kanilang mga tungkulin sa oras na nagkakaroon ng mga krimen sa kanilang nasasakupan.

Sinabi ni OIC Sorsogon City Police Chief Recto Valeriano na malaki ang ambag ng mga tanod sa awtoridad sa pagresponde sa mga kriminalidad dahilan sa ito ang unang nakaka-engkwentro ng mga masasamang loob sa panahong nagkakaroon ng krimen sa kanilang nasasakupan. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)

No comments: