Wednesday, September 8, 2010

P211.84 MILYON NALIKOM NG BIR SORSOGON SA UNANG PITONG BUWAN NG 2010

Tagalog News

SORSOGON PROVINCE (September 8)– Positibo si Revenue District Officer Arturo Abenoja, Jr. ng Bureau of Internal Revenue Sorsogon na makakamit nila ang ibinigay na target collection ng BIR ngayong taon 2010.

Ayon kay Abenoja, mula Enero hanggang Hulyo ngayong taon ay nakalikom na sila ng P211.84-M kung saan nasa 30.26 million ang kanilang naging average collection kung kaya’t bago matapos ang taon ay may balanse na lamang silang P134.13-M o 26.82-M average collection.

Sinabi ni Abenoja na sa nakaraang pulong nila sa bagong upong BIR Commissioner Kim Henares, higit pang tinaasan nito ang kabuuang annual target collection ng BIR mula sa orihinal na P830B papunta sa P860B, mas mataas ng P30 billion.

Para sa Sorsogon, nangangahulugan ito na mula sa local target na P334 M, ay mas tataas ito sa P345.98 M.

Subalit kung pagbabasehan ang kanilang koleksyon sa unang pitong buwan ng taon, sinabi ni Abenoja na lumagpas pa sila ng halos ay 25 milyong piso sa kanilang aktwal target para sa 2nd semester.

Aniya, utang ng BIR ito sa mga taxpayers na mas tumaas na rin ngayon ang kamalayan at partisipasyon sa mga panawagan at programa ng BIR, dedikasyon ng mga tax collecting agents at maging ng masiglang ekonomiya ng bansa.

Kaugnay nito, positibo si Abenoja na magiging maganda ang itatakbo ng kanilang koleksyon sa buwis ngayong taon at maging sa darating pang mga taon. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)

No comments: