Friday, October 8, 2010

IBA’T-IBANG MGA FESTIVALS IPINAGDIRIWANG SA SORSOGON NGAYONG OKTUBRE

Tagalog News Release

SORSOGON PROVINCE – Apat na mga bayan dito sa lalawigan ng Sorsogon ang nagdiwang at kasalukuyan pa ring nagdiriwang ng kani-kanilang mga festivals ngayong buwan ng Oktubre.

Halos sabay-sabay na sinimulan noong unang araw ng Oktubre ang mga aktibidad sa mga bayan ng Casiguran, Castilla at Pilar.

Sa bayan ng Castilla ay ipinagdiwang ang Unod Festival kung saan itinampok dito ang kanilang pasasalamat dahilan sa masaganang aning ibinibigay sa kanila ng Panginoon partikular ang mga halamang-ugat tulad ng kamote, kamoteng-kahoy at marami pang iba na siyang pangunahing produkto sa lugar.

Gugurang Festival naman ang ipinagdiwang sa bayan ng Casiguran kung saan literal na hango ito sa salitang ”Gurang” o matanda na siya ring pinagmulan ng salitang Casiguran. Ang salitang ”Gugurang” ay nangangahulugang kapistahan ng mga matatanda.

Ang bayan ng Casiguran ay bantog din bilang pinakamatandang bayan sa Sorsogon at sa mga dunong o wisdom ng mga matatanda dito.

Kapwa natapos ang Unod at Gugurang Festival noong Oct. 7.

Sa bayan ng Bulan, halos ay dalawang araw din ang ginugol kaugnay ng kanilang Fiesta sa Kabubudlan noong ikalawa at ikatlo ng Oktubre kung saan itinampok dito ang pagmamahal ng mga taga-Bulan sa kalikasan.

Sunud-sunod din ang aktibidad sa bayan ng Pilar dahilan sa kanilang Parau Festival upang ipakita ang kanilang natatanging kultura at sining. Ito ay magtatagal hanggang sa a-dose ng Oktubre.

Ang Parau ay isang terminolohiyang bisaya na ang ibig sabihin ay sampu hanggang labing-anim na talampakang bangkang de-katig na ginagamit ng mga mangingisdang Pilareño.

Sa kasaysayan, ito rin ang tanging sasakyang ginamit ng mga Espanyol noon sa kanilang paglalayag sa Pilipinas.

Samantala, nakatakda naman ang grand opening activity ng Kasanggayahan Festival 2010 sa darating na Oktubre disisyete at magtatagal hanggang sa huling araw ng Oktubre.

Ang kasanggayahan festival ang official festival ng Sorsogon at nagsisilbing kalipunan ng lahat ng mga festival sa labing-apat na munisipalidad at isang lungsod ng lalawigan na tumatampok sa kasaysayan, kultura at kabuhayan ng mga Sorsoganon. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)

No comments: