Tuesday, October 5, 2010

SORSOGON NAKIKIISA SA WORLD TEACHER’S DAY CELEBRATION

Tagalog News Release

SORSOGON PROVINCE (Oct 5) – Binibigyang pugay sa buong mundo ngayong araw ang mga guro bilang pagkilala sa mahalagang papel na kanilang ginagampanan sa paghubog sa mga kabataan.

Sa ipinalabas na DepEd Memorandum No. 352 series of 2010, nakatutok ang selebrasyon ngayong taon sa temang ”My Teacher, My Hero.”

Dito sa lalawigan, isa ang Sorsogon National High School sa naghanda ng malalaking aktibidad bilang suporta sa World Teacher’s Day sa pamamagitan ng SNHS Supreme Student Government (SSG).

Ayon kay SSG adviser Chona Reyes, sinimulan nila ang pagbibigay pugay sa mga guro noong Setyembre beynte-uno at nagtagal hanggang ika-dalawampu’t walo ng Setyembre, sa pamamagitan ng iba’t-ibang mga aktibidad tulad ng paggawa ng tula, card, slogan, caricature, collage at letter writing na pawang nakatutok sa temang ”My Teacher, My Hero”.

Kahapon ay isinagawa ang teacher olympics na tinampukan ng mga laro ng lahi.

Bandang alas-otso ng umaga naman kanina ay nagkaroon ng Thanksgiving Mass na sinundan ng advocacy at parade of gratitude kung saan nakasaad sa dala-dalang mga placard na gawa sa recycled materials ang mga positibong kasabihan, quotation at pasasalamat sa mga mga guro hindi lamang sa SNHS kundi sa mga guro sa buong mundo.

Ayon kay Reyes, sa lahat ng aktibidad na kanilang ginawa, naging tampok din ang pagmamahal at pangangalaga sa kalikasan kung saan sa kanilang Search for Star Teachers mga nalikom na basura ang ipinanghulog nila sa mga kandidato.

Ang may pinakamabigat na basurang boto para sa kandidato ang itinanghal na panalo.

Aniya, ginawa din nilang hamon sa lahat ng mga taga-SNHS ang konseptong ang pagmamahal sa mga guro ay pagmamahal din sa kalikasan. Dapat din diumanong sa murang edad ay alam na ng mga kabataan ngayon ang mga dapat gawin upang mapigilan ang paglalala pa ng climate change.

Ang World Teacher’s Day ay una nang ipinagdiwang noong 2008. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)

No comments: