Friday, November 5, 2010

PAGPAPALAGO NG PILI INDUSTRY TAMPOK SA INVESTMENT & FINANCING FORUM

Tagalog News

SORSOGON PROVINCE (Nov. 3) – ”Dapat maging agresibo ang mga Sorsoganon sa larangan ng pagpapalago ng industriya ng pili.”

Ito ang naging hamon ni Rosita Imperial, High Value Commercial Crop Regional Program Coordinator ng Department of Agriculture Region V, sa mga local entrepreneurs ng Sorsogon sa isinagawang Investment and Financing Forum dito noong nakaraang Huwebes.

Ayon kay Imperial napakalaki ng demand ng pili mula sa raw materials hanggang sa mga prinosesong produkto nito.

Subalit naghayag din ng pagkalungkot si Imperial sa sitwasyon ng pili industry ngayon sa Sorsogon kung saan mula sa pagiging top pili producer nito noong 2006 ay pumapangalawa na lamang ito nitong 2009.

Aniya, kinakailangan lamang na ibangon ng mismong mga Sorsoganon sa tulong ng mga local entrepreneurs ang muling pagpapalago ng industriya sa pamamagitan ng pagiging agresibo ng mga ito lalo pa’t dito sa Sorsogon nagmumula ang pinakamagandang uri ng pili.

At upang hikayatin pa ang mga entrepreneurs, iprinisinta ni Imperial sa mga ito ang mga pag-aaral na ginawa ng DA region V partikular ang prospect of pili industry kung saan nasa 104,062 ang potential area ng Sorsogon para sa pili production.

Sa ginawa namang pili market analysis ng DA, ang Sorsogon City, Gubat at Irosin ang may pinakamagagandang uri ng pili kung kaya’t wala diumanong dahilan upang hindi dayuhin ng mga middlemen, traders at producers ang Sorsogon.

Kabilang din sa mga iminungkahing priority investment areas ni Imperial ay ang pagtatayo ng pili nursery, pili plantation - orchard farms at pili plantation – pili-based intercropping dito sa Sorsogon. Ipinakita din niya ang ilang mga halimbawa kung papaano kikita at gaano ang kikitain sakaling pasukin ang ganitong uri ng negosyo.(Bennie A. Recebido)

No comments: