Friday, November 5, 2010

SITUATION UPDATES SA PATULOY NA PAG-UULAN SA SORSOGON

Tagalog News

SORSOGON PROVINCE (Nov. 5) – Dahilan sa patuloy na pag-uulan dito, nagbabala ang AGAP-Bulusan sa mga mountaineers ng Bulkang Bulusan na iwasan na mula nila ang pag-akyat dito ngayon.

Ayon kay Philip Bartilet, pangulo ng AGAP Bulusan na siyang nangangalaga sa kapaligiran ng bulkan, kontrolado muna ang kanilang aktibidad sa pag-akyat sa Mt. Bulusan dahilan sa masyado diumanong malambot ang lupa sa ngayon at delikado para sa mga mountaineers ang pagsasagawa ng mga pag-aakyat.

Dagdag din niyang iniiwasan lamang nilang magkaroon ng mga aksidente at may mabuwis na buhay sakaling magkaroon ng landslide o maaksidente dahilan sa madulas na daan.

Sa bahagi naman ng kabuhayan, ilang mga magsasaka na rin partikular sa mga lugar ng Bacon sa Sorsogon City, Gubat, Pto. Diaz at Barcelona ang sa ngayon ay nakararanas na ng pagkakalubog ng kanilang mga pananim.

Kung magpapatuloy pa diumano ang ganitong panahon, maaaring magdala na ito ng kalugian sa kanila lalo na ngayong panahon ng anihan.

Matatandaang halos ay dalawang linggo nang patuloy ang pag-uulan dito sa lalawigan na titigil nang panandalian bago muling bubuhos na naman kung kaya’t ilang mga lugar na rin ang nakararanas ng mga pagbaha dito.

Subalit sa monitoring natin, wala pa naman tayong naitatalang nagsilikas na mga residente mula sa mga mababa at mga kostales na lugar.

Sa ngayon ay patuloy ang abiso ng Provincial Disaster Risk Management Office dito sa publiko na pag-ibayuhin ang pag-iingat at maging handa sa lahat ng oras may babala man o wala mula sa mga kinauukulan. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)

No comments: