Tagalog News
SORSOGON PROVINCE – Isinusulong ngayon ni Sorsogon 2nd district Congressman Deogracias Ramos, Jr. ang isang house bill na naglalayong mabawasan ang buwis ng mga pamilyang may differen tly abled children o may mga kapansanan.
Sa isang e-mail statement, sinabi ni Ramos na nararapat lamang na tulungan ng pamahalaan na mapagaan ang mga gastusin ng mga pamilyang nag-aalaga ng mga anak na may espesyal na pangangailangan sa pamamagitan ng pagbawas sa taxable income ng mga magulang o legal guardians nito.
Ipinaliwanag din niya ang pagkakaiba ng ibinibigay na pangangalaga para sa mga batang may kapansanan kumpara sa normal na mga bata.
Sa ilalim ng House Bill 3765, ang isang taxpayer na nag-aalaga ng anak na may kapansanan ay makakakuha ng bawas sa buwis na P50,000. Ayon dito, ang mga gastusing saklaw ng deductions ay ang matrikula para sa pribadong paaralan, therapy, diagnostic evaluations ng medical professional, tutoring at gastusin sa transportation patungo sa paaralan o medical facility at specialized instructional materials.
Sa taya ng Department of Education Special Education Division doble ang gastos ng mga magulang na nag-aalaga ng mga batang may kapansanan kumpara sa mga normal na bata. Base sa 2009 Family Income and Expenditure Survey, P206,000 ang average na kita ng pamilyang Pilipino subalit umaabot naman sa P176,000 ang average na gastusin nito.Kung ang pamilya ay nag-aalaga pa ng differently-abled children, kukulangin ang kita upang matustusan ang espesyal na pangangailangan ng mga batang ito.
Samantala, suportado naman ni PIA Infocen Manager Irma Guhit ang panukalang ito ni Ramos. Pinuri din niya ang matalino at napapanahong hakbang na ito ng kongrerisista at sinabing malaking tulong ito para sa mga magulang ng mga batang may kapansanan. (PIA Sorsogon/with reports from Bicol Today)
No comments:
Post a Comment