Thursday, December 23, 2010

BIR SORSOGON POSITIBONG MAAABOT ANG TARGET TAX COLLECTION SA TAONG 2010


Tagalog News

SORSOGON PROVINCE – Inihayag  ni BIR Sorsogon Assistant Revenue District Officer Eutiquio Grajo na positibo ang kanilang tanggapan na maabot nila ang tax goal na ibinigay sa kanila para sa taong 2010 lalo pa’t nasa P13M na lamang ang tax collectibles nila para sa buwan ng Disyembre ngayong taon.

Ayon sa kanya, bago pumasok ang buwan ng November 2010 ay nasa P43M pa ang kanilang collectibles, subalit matapos ang tumalikod na buwan ay nakapagkolekta na sila ng P30M kung kaya’t natitiyak niyang bago matapos ang buwan ng Disyembre ay makokolekta na nila ang natitira pang P13M lalo pa’t nasa 25 hanggang 30 million pesos ang average collection na naitatala nila buwan-buwan, sobra ng 12 hanggang 17 million sa natitira pa nilang target collection.

Samantala, ipinaliwanag din ni Grajo na ang tax collection sa bawat lugar ay nakadepende sa economic activities nito. Aniya, sa lugar na tulad ng Sorsogon City, maaring sa panlabas na anyo ay masasabing economically boom na rin ito dahilan sa mga nagsusulputang mga business establishments, subalit dapat aniyang maintindihan ng publiko na kung ang itinatayong economic establishments ay pawang mga branches lamang ng mas malalaking kumpanya, hindi garantiya na magkakaroon ng malaking tax collection dahil ang buwis sa operasyon nito ay binabayaran sa lugar kung saan naroroon ang kanilang main establishment.

Aniya, mas matutulungan ng taong-bayan ang BIR kung magbabayad ito ng tamang buwis at susuportahan ang mga programang ipinatutupad ng pamahalaan kung kaya’t hinikayat pa rin ni Grajo ang publiko na patuloy na humingi ng resibo at tumulong sa pagpapaigting sa kampanya ng BIR ukol dito.

Ipinanawagan pa rin niya ang paghingi ng resibo sa kabila ng magandang feedback ukol sa paghingi ng resibo ng mga mamimili at ang kusang pagbibigay na sa ngayon ng resibo ng mga establisimyento dito sa lungsod at maging sa buong lalawigan.

Aniya, sa pamamagitan ng paghingi ng resibo sa mga binabayaran nilang transaksyon ay nakatulong na sila sa pamahalaan, may pagkakataon pang silang maging milyonaryo sa pamamagitan ng pagsali sa Premyo sa Resibo. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)

No comments: