Wednesday, December 8, 2010

BFAR PINAG-IINGAT PA RIN ANG PUBLIKO SA PAGKAIN NG MGA LAMANG-DAGAT


Tagalog News

SORSOGON PROVINCE – Sa pagpasok ng mga kali-kaliwang selebrasyon at kainan ngayong Disyembre, muling ipinanawagan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources sa publiko na mag-ingat sa pagkain ng mga lamang-dagat.

Ang panawagan ay bunsod pa rin ng nakataas na shellfish ban sa buong lalalawigan sanhi ng red tide at ang ilang insidente ng pagkakamatay ng mga isda na apektado ng pagbuga ng abo ng Mt. Bulusan nitong mga nakaraang araw.

Sa pinakahuling shellfish Bulletin ng BFAR, positibo pa rin ang Sorsogon Bay sa nakalalasong red tide kung kaya’t mahigpit pa ring pinag-ingat ang publiko.

Ayon kay BFAR Sorsogon Fisheries Officer Gil Ramos, tanging ang badoy lamang ang pinapayagan nilang maibenta at kainin subalit dapat pa ring dumaan ito sa kaukulang clearing. Muli din niyang idiniin na bawal kainin ang baloko at ang iba pang mga shellfish mula Sorsogon Bay. Subalit nilinaw nitong kung talagang nais kumain ng baloko, tanging ang tinga lamang nito ang maaari nilang irekomendang kainin at hindi ang ibang bahagi nito.

Aniya, masusing pinag-aaralan din sa ngayon ng BFAR kung nararapat nga ang pagdedeklara ng state of calamity dahilan sa matagal nang pamamalagi ng red tide dito. Regular din nilang minomonitor ang Sorsogon Bay upang matukoy kung hanggang saan na umaabot ang toxicity level dito.

Nilinaw din niyang ang mga isda mula Sorsogon Bay ay ligtas pa ring kainin ngunit kinakailangang linisin lamang ito ng mabuti.

Samantala, inamin ni Ramos na may ilang mga LGUs at mga indibidwal na mangingisda ang nagpaabot na sa kanilang tangapan ng request ng mga fingerlings bilang pamalit sa mga nangamatay na isda sanhi ng pagbuga ng abo ng Mt. Bulusan.

Ngunit sinabi ni Ramos na hindi pa sila maaaring magbigay ng mga fingerlings hanggat hindi pa tuluyang humuhupa ang pag-aalburuto ng bulkan sapagkat aniya’y mawawalang say-say din lamang ito.

Sinabi ni Ramos na natural lamang na mamatay ang mga isda kung nadadaluyan ng lahar ang mga tubig na tirahan ng mga ito. Sinabi niyang sa ngayon ay dapat pa ring mag-ingat ang mga residente sa pagkain ng mga isda na galing sa mga ilog na dinadaluyan ng lahar kahit pa nga ilang araw na ring nanahimik ang Mt. Bulusan, sapagkat maaaring hindi pa tuluyang ligtas sa kontaminasyon ng sulfur ang mga ilog na siyang nagiging dahilan upang mamatay ang ilang mga isda.

Payo nila’y maaari pang kainin ang mga isda kung buhay pa ito kahit pa naghihingalo na, subalit mahigpit nilang ipinagbabawal ang pagkain ng mga isda kung patay na ito bago pa mahuli.(BARecebido, PIA Sorsogon with reports from Von Labalan, PIO)

No comments: