Tagalog News
SORSOGON CITY – Pinulong ni Governor Raul R. Lee sa kanyang tanggapan noong nakaraang Sabado ang mga action officers mula sa mga bayan ng Irosin, Juban, Casiguran at Gubat, Sorsogon kaugnay pa rin ng patuloy na paghahanda at pagsusubaybay ng mga ito sa aktibidad ng Bulkang Bulusan.
Binigyang diin ni Lee sa pulong ang tamang pagpapalabas ng mga balita kung saan aniya’y responsibilidad ito ng mga municipal action at information officers na mabigyan ng tamang impormasyon ang media upang hindi magkaroon ng mga maling espekulasyon ang publiko.
Ayon kay Lee, dapat ding malaman ng mga kinauukulan kung gaano kahanda ang sangkot na mga ahensya ng pamahalaan sa pagharap sa mga ganitong uri ng kalamidad, lalo na tuwing magbibigay ng pahayag ang Phivolcs sa media nang sa gayon ay hindi ito magdulot ng pangamba sa mga residente at kamag-anak ng mga apektadong lugar at pati na rin sa mga nagnanais mag-invest sa lalawigan.
Inilahad din ng gobernador ang kanyang mga balak tulad ng paglalaan ng 5, 000 face towels para sa mga residenteng apektado, paigtingin pa ang communication network ng mga MDRRMCs sa pamamagitan ng pamamahagi ng wireless radio communication ditto, paglalaan ng gamit sa paghahanda sa paglilikas tulad ng pick-up at motor vehicle, chainsaw, computer unit at video cameras.
Mayroon pa rin aniyang natitirang 23 million pesos mula sa nakalaang calamity fund para sa lalawigan at ayon sa bagong batas, maaaring gamitin ang 70% nito para sa paghahanda sa ano mang uri ng kalamidad.
Binigyang-diin din ng gobernador ang tamang pagsunod sa protocol lalo na sa pagtanggap ng relief assistance mula sa mga pribadong sector. Aniya, mahalagang nakararating ng wasto ang bawat tulong na ibibigay para sa mga biktima ng kalamidad.
Nilinaw din niya ang kahalagahan ng koordinasyon sa lokal na pamahalaan ng lahat ng pribadong sektor at mga pulitiko, kung saan sa paraang ganito ay mabibigyan ang lahat nang mga nangangailangan at hindi yaong mga pinili lamang. (Von Labalan, PIO Sor/BAR, PIA)
No comments:
Post a Comment