Wednesday, January 26, 2011

ACF-AECID NANGAKO NG TULONG SA SORSOGON


Tagalog News

Sorsogon City, January 26 – Ilang mga humanitarian organizations ang patuloy na pumupunta dito sa Sorsogon upang mag-abot ng tulong sa mga labis na naapektuhan ng pagbabago ng panahon.

Nitong nakaraang linggo ay sinadya ng Action Against Hunger o kilala sa buong mundo bilang Action Contre la Faim o ACF International ang tanggapan ng Provincial Disaster Risk Management Office (PDRMO) upang makipagugnayan dito.

Ang ACF-AECID ay isang humanitarian organization na layuning tuldukan ang nararanasang pagkagutom ng mg bansang apektado ng digmaan, karahasan at mga kalamidad.

Personal namang sinamahan ni PDRMO Head Jose Lopez sina Celita C. Catibog at Junie J. Lagidao ng ACF at si Suresh Murugesu ng Spanish Agency for International Cooperation (AECID), ang European funding agency ng ACF sa bayan ng Juban na kasalukuyang nasa ilalim ng state of calamity.

Sinabi ni Lopez na partikular na tinututukan ngayon ang barangay Binanuahan sa Juban dahil ito ang lubhang naaapektuhan ng mga naging pag-uulan, pagbaha at maging ng landslides.

Aniya, nangako ang ACF-AECID na gagawa ng mga kaukulang hakbang base sa kanilang naging assessment upang matulungan nila ang natukoy na lugar.

Samantala, nasa proseso naman ngayon ang mga punong barangay ng Juban sa pagrepaso ng kanilang mga contingency plans at pagbibigay rekomendasyon para sa mga hakbang na sa agarang implementasyon ng Disaster Risk Reduction (DRR) plan sa kani-kanilang mga nasasakupan sa harap na rin ng bagong ipinatutupad na batas, ang Philippine Disaster Risk Reduction Act of 2010 o ang Republic Act 10121. (Bennie A. Recebido/Von Labalan, PIA Sorsogon)





No comments: